Pagbabalik ng GMRC subject sa iskul, pirma na lang ni P-DU30 ang kulang

Mula nang maimplementa ang K to 12 curriculum noong 2013, tinanggal na ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa mga paaralan.
Ngunit, ngayon, sa wakas ay malapit nang maibalik ang pormal na pagtuturo nito. Isang hakbang na lamang ang ating hinihintay — ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte — upang ito ay maging isa nang ganap na batas.
Sa bicameral conference na pinamunuan ng inyong lingkod sa hanay ng Senado, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture at sponsor ng Senate Bill No. 1224, napagkasunduan ng Senado at Kamara na papalitan ng GMRC at Values Education ang kasalukuyang paksa na Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP).
Ituturo ang GMRC mula Grade 1 hanggang Grade 6 at isasama rin ang kindergarten sa mga aktibidad ng mga mag-aaral. Ang Values Education naman ay ituturo sa Grade 7 hanggang Grade 10. Kabilang din ang nasabing subject sa pag-aaral ng mga estudyante ng Grades 11 at 12.
Noon pa man, mahalaga na ang GMRC at Values Education sa paghubog natin ng mga susunod na henerasyon, ngunit, hindi nabigyan ng pansin ng mga awtoridad ang pagtuturo nito noong nakaraang mga taon.
Sa pagpasa ng naturang panukala, hindi lamang natin ibabalik ang mga subjects na ito kundi mapupunan din natin ang mga naging pagkukulang sa loob ng mahabang panahon dahil hindi na prayoridad ang GMRC at Values Education sa mga paaralan.
Ang kagandahan nito ay magsisilbi nang regular subjects ang GMRC at Values Education. Ibig sabihin, kahalintulad na nito ang alokasyon ng oras sa pagtuturo ng Math, Science, English at iba pang mga pangunahing paksa.
Sa ilalim ng kasalukuyang kurikulum, 30 minuto lamang kada araw ang inilalaan sa pagtuturo ng ESP habang dalawang oras kada linggo lamang ito itinuturo sa high school.
Mandato ng naturang panukala na magsagawa ng mga aktibidad na huhubog sa karakter ng mga mag-aaral — tulad ng dula-dulaan sa klase, pakikipagkapwa-tao, pagtutulungan ng mga magulang at guro at iba pang kahalintulad na magandang-asal.
Bukod dito, malulutas na rin ang suliranin sa ‘mismatch’ ng mga guro at kapasidad nilang magturo ng kanilang field of expertise. Lumalabas sa datos na 70 hanggang 90 porsiyento ng mga nagtuturo ng Values Education ay hindi sertipikadong magturo nito.
Kaya upang masigurong naituturo nang wasto at naaayon sa mga paksa, hangad ng panukalang-batas na hawakan ito ng mga gurong mayroong sertipikasyon, diploma at mga pormal na pagsasanay kaugnay sa Values Education.
Napakahalaga ng GMRC at Values Education sa buhay ng bawat bata. Sa kanilang murang pag-iisip, napakarami nilang nakikita sa kanilang paligid, lalo na sa social media na maaaring magdala sa kanila sa maling landas dahil sa kakulangan ng sapat na paggabay at paliwanag.
Ngunit, kung araw-araw na natuturuan ang mga bata sa paaralan ng GMRC at Values Education, bibitbitin nila ang mga ito sa pang-araw-araw nilang pamumuhay hanggang sa bahay.
Lubos tayong nagpapasalamat sa ating mga kapwa mambabatas sa pagkilala sa pananagutan ng estado sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mamamayan, lalo na ang mga pangunahing may-akda na sina Senators Joel Villanueva, Panfilo “Ping” Lacson at Juan Miguel “Migz” Zubiri. Dahil sa tulong at pagkakaisa, naipasa natin ang isa sa mahahalagang polisiya para sa kapakanan ng kabataang mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments