top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Lockdown sa Metro Manila dahil sa COVID-19, ekonomiya paralisado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 10, 2020
  • 2 min read

Patuloy ang pagtaas ng bilang ng nagpopositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

May humihirit na rin na pansamantalang magpatupad ng lockdown sa buong Metro Manila kung saan naitala ang karamihan sa mga nagpositibo.

Nangangahulugan ito na isasara muna ang mga paliparan para sa domestic flights, South Luzon Expressway (SLEX), North Luzon Expressway (NLEX) at mga railway para hindi na kumalat pa sa ibang probinsiya ang COVID-19.

Pahihintulutan naman ang pagbiyahe ng mga pagkain at gamot. Bagama’t, tinatayang nasa P100 bilyon ang posibleng mawala sa ekonomiya ng bansa, aabot naman daw sa P218.5 bilyon ang mawawala ‘pag kumalat pa ang COVID-19.

Sa ganitong usapin, sino ba ang ayaw mapigilan ang paglaganap ng virus? Pero, ang pakiusap din natin sa gobyerno ay masiguro na ‘ika nga, tuloy pa rin ang buhay, may pagkakataon pa rin para masuportahan ang ating pang-araw-araw na pangangailangan.

Samantala, umaapela naman tayo sa Department of Health (DOH) na maging aktibo at malinaw sa pag-uulat ng kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa. Ito ay upang maiwasan ang pagkataranta ng publiko tulad ng mga nauna nating pakiusap. Makatutulong kung isang tao o ahensiya na lang ang panggagalingan ng impormasyon.

Ang nangyari kasi nitong mga nakaraan, nag-update ang DOH ng mga panibagong kaso ng nagpositibo sa COVID-19, sinundan naman ito ng ilang alkalde at hindi na malinaw sa publiko kung iisa lang ba ang kanilang tinutukoy dahil sa kakulangan ng detalye.

Sa ganitong pagkakataon, posibleng umeksena ang mga pabida at mabibiktima na naman ng tsismis o fake news ang taumbayan. Higit sa lahat, maging transparent sana ang gobyerno sa tunay na sitwasyon. Kung may kailangan o kakulangan, sabihin agad upang magawan ng paraan.

Ang COVID-19 ay hindi lang problema ng DOH o ng administrasyon, ito ay hinaharap nating lahat pati na ng buong mundo. Ang dasal, pagkakaisa at pagtutulungan ang pinakamabisang panlaban.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page