Aling pulis, P40 K ang singil sa mga kapwa pulis na gustong ma-promote, malipat ng puwesto etc., buk
- Jun R. Guillermo
- Mar 10, 2020
- 2 min read

Sa mga kakosa nating parak d’yan, kayo ba ay nangangailangan ng promosyon, re-assignment, ma-transfer sa ibang unit at humingi ng tulong para mapadali ang proseso ng recruitment para sa mga bagitong pulis?
Inaresto ang isang dating policewoman dahil sa umano’y modus nito matapos isagawa ang entrapment operation ng mga operatiba ng Philippine National Police - Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa Lungsod ng Pasay.
Ayon kay PCol. Ronald Lee, ang raket ng suspek na nakilalang si PSSg. Beverly Banan, na dating nakatalaga sa Police Regional Office 1 Human Resources and Doctrine Division ng PNP, ay humihingi ng P40K hanggang P80K sa pangakong madali nitong mapoproseso ang promosyon at pag-transfer ng assignment ng mga pulis, gayundin ang mga bagong recruit na mga bagitong pulis.
Dahil sa reklamo, naglatag ng entrapment operation ang mga operatiba ni PCol. Lee, hepe ng PNP-IMEG kung saan bitbit ang P40K boodle money ng nagpanggap na kliyente ni Aling Pulis na nakipagkita sa isang fastfood chain sa Pasay City.
Matapos tanggapin ang P40K na boodle money, agad dinakma si Aling Pulis ng mga operatiba ng IMEG na nu’ng mga oras na ‘yun ay nakaposisyon na sa lugar at nakuha sa suspek ang P1K entrapment money, gayundin ang P40K boodle money.
Napag-alaman pa na nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang ahensiya kung sino pa ang mga kasabwat ni Aling Pulis na ayon kay P/Col. Lee ay hinihinala nilang may mga pulis na aktibo pa rin sa serbisyo na may access sa records ng PNP para sa recruitment at promosyon ng mga pulis.
Samantala, robbery-extortion ang kasong kinakaharap ni Aling Pulis na kasalukuyang nasa detention cell ng PNP-IMEG.
Kaya naman, sa mga katropa nating mga alagad ng batas, ‘wag kayong basta pumapatol sa mga lumalapit sa inyo na kesyo aayusin ang inyong promosyon, pag-transfer sa ibang unit kapalit ng pera kahit kilala o kabaro ninyo ito dahil isa lamang itong scam kahit nahuli na si Aling Pulis, dahil tiyak, may kasabwat ito na aktibo pa sa serbisyo.
Ikaw kaibigan, ano’ng sey mo?
Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko! Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments