Pagkalat ng COVID-19, unahan na!
- Bobi Tiglao
- Mar 9, 2020
- 2 min read
Sa pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng “state of public health emergency” sa bansa kaugnay ng coronavirus (COVID-19) ay nakikita nating talagang seryoso na ang isyu at kinakailangan na rin ng karagdagang pag-iingat.
Kung noon, sa China lang kumakalat ang COVID-19, ngayon ay pataas na rin nang pataas ang bilang ng kaso nito sa buong mundo.
Sa Pilipinas, ang naunang dalawang kaso nito ay kapwa Chinese na turista na galing ng Wuhan at pumunta rito.
Pero ngayon, habang isinusulat ang pitak na ito, 6 na ang kumpirmadong kaso nito sa bansa.
Nagdesisyon ang pangulo na magdeklara ng “state of public health emergency” alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at ni Senator Christopher “Bong” Go, ang chairman ng Senate Committee on Health.
Layunin nitong mapabilis ang pagkilos ng gobyerno sa paggamit ng pondo at iba pang kagamitan at mga tauhan para matapatan ang problema ng COVID-19.
Itinaas na rin ng DOH ang “code red, sub-level 1” matapos nilang makumpirma ang pang-anim na kaso ng coronavirus sa bansa.
Ang pang-anim na pasyente ay 59-anyos na babae at naka-confine na sa Research Institute for Tropical Medicine. Ang asawa ng babae ang panlimang kaso ng Covid-19.
Ang lalaki ay hindi nanggaling sa ibang bansa pero napag-alamang madalas itong bumibisita sa isang dasalan para sa mga Muslim sa Greenhills, San Juan City.
Ang ganitong klaseng pagkahawa na hindi galing abroad o ibang bansa na may COVID-19 ay tinatawag na “local transmission”.
Ang delikado ay kung maging “community transmission” ang sakit — ibig sabihin, pagkalat ng sakit sa komunidad, barangay o malaking grupo ng mga tao.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nag-iingat lang ang gobyerno sa pagtaas nito ng alert level.
Ginawa nila ito para makapaghanda ang mga health worker sa mga ospital, gayundin ang iba pang pasilidad kung sakaling dumami ang kaso nito sa bansa.
Sa deklarasyon ng “health emergency”, mapabibilis ang pagbili ng gobyerno ng mga supply ng gamot at iba pang gamit para sa kalusugan ng mga pasyente o sinumang magkakasakit.
Sinabi rin ni Sen. “Bong” Go na ang deklarasyon ng pangulo ng emergency ay para maunahan ang sakit at maging “pro-active” ang gobyerno.
“Huwag na nating hintaying mas kumalat pa ito. Lahat ng ahensiya ng gobyerno, lokal at nasyunal ay tutulong dito,” dagdag pa ni Sen. Go.
Ayon sa Republic Act 10121, kapag may deklarasyon na “state of public health emergency” ay maaaring magamit ng mga lokal na gobyerno ang kanilang pondo na nakalaan para sa local disaster risk reduction management.
Kaya naman, sa kabila ng patuloy na pagkalat ng sakit ay umaasa tayong magiging katuwang ng mamamayan ang gobyerno nang sa gayun ay sabay-sabay nating malampasan ang problemang ito.





Comments