Ibinulgar ng DOH.. 62-anyos na may COVID-19, lagi sa Greenhills
- Madel Moratillo
- Mar 7, 2020
- 2 min read

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa lima ang kumpirmadong bilang ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, ito ay matapos madagdag ang dalawang Pinoy na nagpositibo sa COVID-19.
Ang ika-4 na kaso ay ang 48-anyos na lalaki na may travel history sa Japan. Bumalik aniya ito sa bansa nitong Pebrero 25 at noong Marso 3 ay nagsimulang makaranas ng lagnat. Sa ngayon ay stable na aniya ang kalagayan nito.
Samantala, ang ika-5 kaso naman ay isang 62-anyos na lalaki na may hypertension at diabetes, na nakaranas umano ng ubo na may plema nitong Pebrero 25.
Agad naman itong nagpakonsulta sa isang ospital sa Metro Manila at na-admit dahil sa severe pneumonia. Ang pasyenteng ito ay wala umanong travel history sa labas ng bansa.
Bago ito nagkasakit ay regular umano itong nagtutungo sa isang Muslim prayer hall sa Greenhills, San Juan.
Kapwa naka-isolate ang dalawang Pinoy sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Kaugnay nito, umapela ang DOH sa mga bumisita sa nasabing prayer hall na kung makararanas ng lagnat o respiratory symptoms ay tumawag agad sa DOH hotline (02)8-651-7800 loc 1149-1150 para sa referral sa tamang health facility.
Sa kabila naman ng pagkakaroon ng mga Pinoy na positibo sa COVID-19, nanindigan ang DOH na wala pang local transmission ng virus sa bansa.
Ani Duque, ang sitwasyon ng 62-anyos na lalaking Pinoy na walang travel history sa ibang bansa pero, nagpositibo sa virus ay isang local case lamang. Para sa kalihim, premature pang maituturing ang sabihing may local transmission ng COVID-19 sa bansa.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na nila kung saan nakuha ng nasabing pasyente ang virus.





Comments