Pambu-bully, sa bahay unang dapat itama bago sa iskul

Muli na namang nadagdagan ang bilang ng namatay dahil sa pambu-bully. Nauwi sa trahedya ang pagbibiro ng sakal ng isang binatilyo sa kanyang kaibigan matapos itong gantihan ng suntok sa Cotabato.
Naglilinis ng classroom ang 15-anyos na suspek at 17-anyos na biktima at nang patapos na sila, pasakal na hinila ng biktima ang kaibigan at nagpaalam na uuwi na.
Napikon ang suspek kaya sinuntok niya sa batok ang biktima na biglang nanghina at nawalan ng malay.
Isinugod sa ospital ang biktima dahil sa malubhang kalagayan, pero binawian din ito ng buhay.
Samantala, sa Cebu naman, napatay ng isang Grade 10 student ang kaibigang kapwa estudyante dahil sa paghihiganti nito sa nam-bully sa kanya.
Nag-ugat ang galit ng suspek sa kaklase nitong nambu-bully sa kanya hanggang sa social media at sa huling away nila, may dala na itong patalim.
Nagpambuno pa diumano ang dalawa kaya umawat ang mga kaibigang lalaki ng suspek kung saan aksidenteng nasaksak at nasawi ang isa sa mga ito.
Nakaaalarma dahil kahit marami nang kaso ng pambu-bully sa mga paaralan, hindi pa rin ito napipigilan.
Anong ginagawa ng mga guro at guidance counselor? Nababantayan pa ba nila ang mga mag-aaral?
Hindi natin sinasabing guro lang ang dapat magdisiplina sa kabataan, pero dahil sila ang nagsisilbing ikalawang magulang ng mga bata, hindi lang pagtuturo ng mga aralin ang kanilang tungkulin kundi ang paninigurado na ligtas ang mga bata mula sa mga
pambu-bully o pananakit.
Sa totoo lang, isa rin ito sa mga dahilan kung bakit dapat nang ibalik ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) bilang subject sa K-12 curriculum.
Mahalaga na sa murang edad ay matutunan ng kabataan ang magandang asal, pagiging mabuti sa kapwa at ang kahalagahan nito.
Gayundin, ang pagtuturo ng mga ito ay hindi lang natin dapat iasa sa paaralan dahil mas dapat itong simulan sa tahanan.
Magsilbi sana itong babala at leksiyon sa ating lahat na maraming hindi magandang epekto ang masasamang biro at pambu-bully sa kabataan.
Tayong mga magulang, maging mabuting ehemplo tayo sa ating mga anak dahil ‘ika nga nila, kung ano ang ipinakikitang ugali ng magulang sa bahay ay siya ring bitbit ng mga bata paglabas ng kanilang tahanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments