Olympic slot: Isang panalo pa kina Petecio at Pasuit

Photo: gmanetwork (left)
Tig-isang panalo na lamang ang kakailanganin nina reigning women’s featherweight world champion Nesthy Petecio at ni 30th Southeast Asian Games silver medalist Riza Pasuit upang makakuha ng slot para sa 2020 Tokyo Olympics sa ginaganap na Asia-Oceania Continental Olympic Qualifying sa Prince Hamza Hall sa Amman, Jordan.
Pinatunayan ng 27-anyos na tubong-Santa Cruz, Davao del Sur na si Petecio ang kanyang lakas nang dominahin niya si Krismi Ayoma Dulanj Lankapurayalage ng Sri Lanka sa women’s 57kgs division sa iskor na 5-0 unanimous decision.
Kinakailangan na lang manaig ang biennial meet gold medal winner laban kay Japanese boxer Sena Irie sa quarterfinal round na kanya na ring tinalo sa quarterfinals ng 2019 Women’s Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia noong isang taon.
Sakaling manaig si Petecio kay Sena ay makikipambuno ito kina Aeji Im ng South Korea at Sakshi ng India sa Marso 10. “I am not satisfied because I felt heavy out there,” pahayag ni Petecio sa panayam ni Dan Palmer ng Inside the Games. “Maybe it is because it is my first fight but I felt I wasn’t at my best so
I will improve for my next fight,” dagdag nito.
Naitakas ni Pasuit ang panalo sa round-of-16 nang higitan nito ang isa pang Japanese fighter na si Saya Hamamoto sa iskor na 3-2 split decision sa women’s under-60kgs lightweight division.
Sunod na makakatapat ni Pasuit si Wu Sheh Yi ng Chinese Taipei sa Marso 9, Lunes, at kung sakaling manaig ang Pinay puglist ay makakalaban nito ang magwawagi kina Simranjit Kaur Baath ng India at Namuun Monkhor ng Mongolia sa Martes.
Patuloy na susubok na makapasok sa Olympiada si world silver medalist Felix Eumir Marcial sa pakikipagtuos nito laban kay Kirra Ruston ng Australia sa round-of-16 ng men’s under-75kgs middleweight division.
Makikipagbangasan din ng mukha si SEA Games light-welterweight champion James Palicte kay Elnur Abduraimov ng Uzbekistan sa Round-of-16 ng men’s under-63kgs lightweight class.





Comments