Mga pulis, tuturuang mag-Mandarin para makausap ang mga mahuhuling Chinese
- Pabs Hernandez III
- Mar 6, 2020
- 2 min read
CHOPPER NA BINILI NI SEN. “BATO” NOONG PNP CHIEF PA SIYA, PALPAK? — Inamin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na sa panahon niya bilang PNP chief nabili ang sinakyang chopper ng grupo ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na bumagsak sa Laguna. Dalawang anggulo ang tinitingnan dito, palpak ang dalawang piloto o palpak ang chopper kaya tumama ito sa kawad ng kuryente dahilan upang bumagsak ito.
Bagama’t, ligtas ang grupo ni Gen. Gamboa, dapat imbestigahan ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng chopper dahil baka hindi ang dalawang piloto ang palpak kundi ang pagkakabili dito ni Sen. “Bato” noong siya pa ang PNP chief, period!
***
MAY CHINESE DESK NA SA MGA PRESINTO, MGA PARAK TUTURUAN DIN NG MANDARIN — Plano raw ng liderato ng Philippine National Police (PNP) na turuan ng Mandarin ang mga pulis upang magkaintindihan sila sa pag-uusap ng mga Chinese na nag-o-operate at nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nasasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen sa bansa.
Napaka-special naman ng mga Chinese sa PNP kasi noong una, naglagay sila ng Chinese desk sa mga presinto na hahawak sa kasong kinasasangkutan ng mga Chinese at ngayon, pupuwersahin ang mga pulis na mag-aral ng Mandarin para makausap nang maayos ang mga Chinese na mahuhuling gumagawa ng krimen sa Pilipinas, buwisit!
***
IPASARA ANG MGA POGO AT I-DEPORT ANG MGA CHINESE NA MANGGAGAWA NITO — Nagpahayag ng pagkabahala ang Malacañang sa ibinulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na aabot na raw sa 3,000 ang mga Chinese military na nagpapanggap na mga manggagawa sa mga POGO sa bansa.
Kung totoong nababahala ang Malacañang sa isyung ito, dapat ipasara na ni P-Duterte ang lahat ng POGO sa bansa at i-deport ang lahat ng mga Chinese na manggagawa nito, period!
***
MULA NOONG 2016 HANGGANG FEB., 2020, MILYUN-MILYONG CHINESE NA ANG NAKAPASOK SA BANSA — Sa inilabas na data ng Bureau of Immigration (BI) noon mula 2016 hanggang 2018 ay 3.21 milyong Chinese na ang nakapasok sa Pilipinas. Wala silang (BI) datos na inilabas mula Jan. hanggang Nov. 2019 pero noong Dec. 1, 2019 hanggang Feb. 20 ay may nakapasok ulit na 536,205 Chinese sa bansa.
Naku, napakarami na pala pero ang nakababahala, baka hindi lang tatlong libong Chinese military ang nasa Pilipinas dahil hindi malabong milyun-milyon na, ‘kakatakot!





Comments