Diabetic na sumasakit ang binti, puwedeng maputulan ng paa
- Shane Ludovice
- Mar 6, 2020
- 2 min read

Dear Doc Shane, Diabetic ang nanay ko at madalas niyang iniinda ang pagsakit ng mga binti. Ipinapahinga niya ito pero bumabalik din paglipas ng ilang oras. Ang masaklap, may mga pagkakataong hindi nawawala ang kirot at nanlalamig daw ang kanyang pakiramdam. May kaugnayan ba ang madalas na pagsakit ng mga binti ng nanay ko sa kanyang sakit? - Jay
Sagot Ang mga ugat sa paa ay puwedeng mabarahan ng taba kung may diabetes. Dahil kumikipot ang mga ugat at nagiging kulang ang daloy ng dugo sa mga paa at binti kaya ito ay sumasakit. Ito ay tinatawag na Peripheral Arterial Disease (PAD). Kapag kulang ang dugong dumadaloy sa mga paa at binti ay kulang din ang oxygen na nakararating sa muscles.
Narito ang mga sintomas ng PAD: • Masakit ang mga binti kapag naglalakad pero nawawala pagkatapos magpahinga nang ilang minuto.
• Namumulikat o madaling mapagod ang mga binti sa paglalakad.
• Namamanhid o nanlalamig ang mga paa at binti.
• Matagal maghilom ang mga sugat sa paa.
• Natutuyo at nagbabalat ang mga paa o cracked ang balat sa paa.
• Masakit ang mga daliri ng paa kahit na nakapahinga.
Ayon sa pag-aaral, isa sa bawat tatlo na edad 50 pataas na may diabetes ay may PAD. Gayunman, puwedeng sukatin ng doktor ang blood pressure sa binti at ikumpara ito sa blood pressure sa braso. Kung mas mababa ang blood pressure sa binti kumpara sa braso ay puwedeng may PAD. Ibig sabihin, mas kaunti ang dumadaloy na dugo sa mga binti.
Makabubuti kung magtatanong sa doktor ng nanay mo tungkol sa PAD lalo na kung mayroon nang mga sintomas na nabanggit. Paalala, kung may PAD, posible rin na tumataas ang peligro na atakihin sa puso, ma-stroke o maputulan ng paa.
Comments