COVID-19, sakit na hindi lang tao ang pinapatay, pati ekonomiya
- Korina Sanchez
- Mar 6, 2020
- 1 min read
Noong isang linggo, inanunsiyo ng mataas na opisyal ng Honda Cars Philippines, Inc. na magsasara na ang kanilang planta sa Laguna. Ang idinadahilan nito ay mahina diumano ang paglabas ng mga sasakyan sa planta.
Nasa 8, 000 sasakyan sa isang taon na lang ang natatapos kaya minabuti ng pamunuan na isara at ilipat na lang ito sa ibang bansa.
Kaugnay nito, nakalulungkot na mahigit 300 empleyado ang mawawalan ng trabaho pero siniguro naman ang magandang makukuhang “severance package” ng mga ito.
Humina ba ang pagbuo ng sasakyan dahil naging matumal ang bentahan nito dahil sa malaking ipinataw na buwis ng gobyerno?
Ganundin ang Philippine Airlines — sa totoo lang, matagal nang may problema ang PAL na mas naging kumplikado pa ng pagbawas ng lipad sa Hong Kong noong panahon ng mga kilos-protesta na sinundan ng COVID-19 kung saan halos wala nang lumilipad patungong Hong Kong, China at Macau, bukod sa mga travel ban.
Walang magawa ang kumpanya kundi pakawalan ang 300 empleyado na ang iba ay pinaretiro na lang nang mas maaga. Ito raw ang pinakamabuting paraan upang manatiling tumatakbo ang operasyon ng kumpanya habang tinitiis ang sitwasyon hinggil sa COVID-19.
Sa panahon ngayon, mahirap mawalan ng trabaho dahil sadyang napakamahal na ng mga gastusin mula sa allowance ng mga estudyante, pambayad ng renta, electrical at water bills at iba pa. Tsk!
Napakalawak na ng epekto ng COVID-19 sa buong mundo — nagsanga-sanga kung saan bawat aspeto ay tunay na apektado. Gayunman, sa kabila nito, salamat sa mga eksperto na hindi tumitigil sa pag-iisip at pag-aaral sa mga gamot at upang tuluyan nang makontrol ang virus.





Comments