Air pollution, mas mabagsik sa COVID-19 sa dami na ng namatay, DENR dedma lang!
- Bong Revilla
- Mar 6, 2020
- 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Kapag kayo ay nasa tuktok ng Antipolo ay halos kitang-kita ang buong Metro Manila at napakaganda nitong pagmasdan lalo na sa gabi dahil punumpuno ito ng iba’t ibang klase ng ilaw.
Sa umaga naman ay damang-dama ang lamig na dulot ng napakababang ulap at ganito rin ang tanawin sa buong Kamaynilaan dahil kitang-kita sa ibabaw ng mga gusali ang maitim na ulap na tila humalo na sa mga ito ang napakaruming hangin.
Kakaiba ang nakalutang na tila itim na ulap na indikasyon na talagang napakarumi na ng hanging nilalanghap ng mga tao sa buong Metro Manila.
Sa pag-aaral na isinagawa ng Greenpeace Southeast Asia at ng Center for Research on Energy and Clean Air, ang usok mula sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina, diesel at maging ang sinusunog na coal ang dahilan ng kamatayan ng maraming Pinoy.
Base sa unang inilabas na ulat ay umaabot sa 27, 000 katao ang binabawian ng buhay taun-taon dahil sa nakalalasong hangin ayon sa pag-aaral ng mga eksperto at ikatlo ang ating bansa sa buong Asya na marami ang namamatay dahil sa air pollution.
Nakaaalarma rin ang ulat na umaabot sa P304 bilyon ang nawawala sa ating ekonomiya dahil lamang sa air pollution at 80 porsiyento ng pinagmumulan nito ay ang mga sasakyang hindi maayos ang maintenance.
Tapos heto at nagpalabas ng ulat ang United Nations (UN) na lahat ng bata sa buong mundo ay bigo umanong bigyan ng proteksiyon laban sa mapanganib na kalusugan dulot ng climate change kabilang na ang air pollution.
Sinasabi ng ulat na ang labis na carbon emissions ay nagbabanta sa kinabukasan ng mga bata at papasanin nila ang karagdagang mga panganib sa kalusugan mula sa nakamamatay na heatwaves hanggang sa pagtaas ng pagkalat ng mga tropikal na sakit.
Ayon sa paliwanag ng Department of Health (DOH), ang hanging tinatamasa natin ngayon sa buong Metro Manila ay nagdudulot ng non-communicable diseases kahit marumi ito sa ilong.
Ang mga sakit na nakukuha umano dahil sa maruming hangin ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases.
Natural na ang unang tinatamaan ng mga nabanggit kong sakit ay ang mga taong lantad sa lansangan tulad ng mga tindero, pasahero, tsuper at kahalintulad nilang madalas sa kalye.
Maya’t maya kasi nilang nalalanghap ang maruming hangin mula sa usok ng mga sasakyan, mga sinusunog na basura, plastic, goma at iba pang harmful wastes na masama sa ating kalusugan.
Kawawa ang mga bata, posibleng magkaroon ng epekto sa kanilang paglaki ang patuloy nilang paglanghap ng maruming hangin na kung hindi man sa kanilang pag-iisip ay malamang sa pisikal nilang pangangatawan.
Hindi naman bago ang pagpuna sa palala nang palalang air pollution ngunit, tila wala namang aksiyong ginagawa ang mga ahensiyang dapat managot sa pagsugpo nito.
Tulad niyan, libu-libo na ang namamatay dahil sa air pollution kaya dapat gumawa ng aksiyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para luminis ang hangin sa Metro Manila.
Sa COVID-19 nga, maya’t maya ang paalala ng DOH, gayung wala pang Pinoy na namamatay, pero sa air pollution, libu-libo na pala ang namatay, tapos wala lang kahit paalala.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments