top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Resolusyon para sa tuloy-operasyon ng ABS-CBN, aprub na — Senado

L. Abenales/V. Reyes
Mar 5, 2020
2 min read

Inaprubahan ng Senado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng paniniwala na dapat bigyan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng provisional authority ang ABS-CBN kabilang ang dalawa pang kumpanya na magpatuloy sa operasyon habang dinidinig ng Kongreso ang kanilang prangkisa.

Sa kanyang paliwanag sa deliberasyon ng Senate Resolution No. 8, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi nangangahulugan na pinalalawig ng resolusyon ang prangkisa ng ABS-CBN.

Iginiit naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na walang dahilan kung bakit hindi magpapalabas ng provisional authority para sa ABS-CBN na naging “standard practice” na payagan ang mga broadcast network na mag-operate kahit nakabimbin ang kanilang franchise bill sa Kongreso.

Base sa ulat ni Senate President Vicente Sotto III, nagbigay ang NTC ng temporary permits sa 338 kumpanya noong 2015, 471 noong 471, 259 noong 2017, 155 sa 2018 at 300 nitong 2019.

Pabor din si Senador Manny Pacquiao na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN habang nakabimbin ang prangkisa nito para hindi malagay sa alanganin ang 11,000 manggagawa na umaasa sa network.

Sa naganap na botohan, walang tumutol sa inaprubahang simple resolution kaya naging hudyat ito sa NTC na may permiso na sila sa Lehislatura na magbigay ng PA.

Sa unang deliberasyon ng Senado, ang naturang resolusyon ay isang concurrent resolution na kailangan ng counterpart resolution mula sa Mababang Kapulungan, ngunit pinalitan at ginawang simple resolution upang mapadali ang deliberasyon.

Si Senador Panfilo Lacson ang naghain ng manipestasyon na gawin itong simple resolution.

Bukod kay Senador Lito Lapid, inawtor ang naturang resolusyon nina Senador Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Nancy Binay, Zubiri, Sonny Angara, Ralph Recto, Grace Poe at Manny Pacquiao.

Samantala, ikinasa nang simulan ng Kamara ang pormal na pagtalakay sa renewal ng prangkisa ng broadcast network na ABS-CBN sa Marso 10.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, pag-uusapan sa pagpupulong ng mga miyembro ng House Committee on Legislative Franchises ang paglalatag ng ground rules o mga panuntunan upang hindi maging circus ang proseso nito.

Muli ring iaanunsiyo ang paghihikayat sa mga tumututol o sumusuporta sa prangkisa na magsumite ng kanilang position paper.

Bibigyang-linaw din sa iimbitahang kinatawan ng National Telecommunications Communication (NTC) na kailangang mabigyan ng provisional authority ang broadcast network upang magpatuloy pa rin ng operasyon kahit ma-expire ang legislative franchise nito sa Mayo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page