top of page
Pokwang.jpg

Oconer at Navy-Standard, mga hari ng Ronda Pilipinas

A. Servinio/ATD
Mar 5, 2020
2 min read

Vigan City – May bagong hari ng LBC Ronda Pilipinas 2020 at ang pangalan niya ay George Oconer. Nagwakas ang isang dekada puno ng hirap at tiyaga para sa 28-anyos na pambato ng Philippine Navy-Standard Insurance sa kanyang pinakaunang kampeonato sa prestihiyosong karera at mahirang na pinakamahusay na siklista sa buong Pilipinas.

Walang pawis na tinapos ni Oconer ang ika-10 at huling yugto, isang Criterium Race na umikot sa mga lansangan ng Vigan bago umakyat ng entablado upang tanggapin ang kanyang tropeo at isang milyong piso.

Sinundan na rin niya ang malaking yapak ng kanyang amang si Norberto Oconer na kumatawan sa Pilipinas sa Men’s Individual Road Race sa dalawang Olympiada noong 1988 sa Seoul, Timog Korea at 1992 sa Barcelona, Espana.

Umoras si Oconer ng 32:42:12 at sinundan siya ng limang kakampi sa Navy na sina Ronald Oranza, Ronald Lomotos, John Mark Camingao, Junrey Navarra at El Joshua Cariño habang nasa ika-pito hanggang ika-10 puwesto sina Jonel Carcueva, Daniel Ven Cariño at Ismael Grospe ng Go For Gold at Marvin Tapic ng Bicycology Shop-Army.

Naagaw ni Oconer ang pangkalahatang liderato kay Mark Julius Bordeos ng Bicycology matapos ang ika-limang yugto mula Lucena hanggang Antipolo at hindi na niya binitawan ito. Malaking bagay ang tulungan ng buong koponan upang mabantayan ang lamang hindi lang ni Oconer kundi pati rin sa team championship.

“Maraming salamat unang-una sa Panginoon, ang aming Chairman sa Standard Insurance Mr. Ernesto Echauz at sa aking pamilya at mga coach na ginabayan kami sa buong Ronda,” wika ni Oconer na lumahok sa pinakaunang Ronda noong 2011.

Nasungkit ng isa pang Navy na si Jan Paul Morales ang kanyang ikatlong yugto sa oras na 51:20 matapos manaig sa ika-anim na yugto na umikot sa lalawigan ng Tarlac at ika-pitong yugto mula Tarlac hanggang Palayan City.

Ito rin ang ika-limang yugto kung saan nagwagi ang isang taga-Navy matapos ang mga panalo nina Lomotos sa ika-apat at pinakamahabang yugto mula Daet patungong Lucena at Camingao sa ika-limang yugto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page