NU Lady Bulldogs, sinakmal sa debut game ang UST
- VA
- Mar 5, 2020
- 1 min read

Photo: UAAP
Nagtala si foreign player Margot Mutshima ng 23 puntos upang giyahan ang National University sa paggapi sa nakaraang taong runner-up University of Santo Tomas, 22-25, 25-23, 20-25, 25-20,15-13 sa unang game ng UAAP 82 Women’s Volleyball sa MOA Arena kahapon.
Limang puntos sa nasabing output ang iniskor ng Congolese sa decider set upang ihanay ang Lady Bulldogs sa opening-day winner Far Eastern University sa pamumuno.
Ikinatuwa naman ni NU coach Norman Miguel na nakabawi si Mutshima buhat sa malamya nitong simula. “First hanggang third talagang off pa,” ani Miguel. “Nu’ng fifth set finally, nag-connect-connect na ‘yun na talaga ‘yung game ni Margot being our go to guy.”
Nakabalikat ni Mutshima sina Ivy Lacsina na may naiambag na 19 puntos, ang nagbabalik na si Risa Sato na may 17 puntos kabilang dito ang 7 blocks at si Jennifer Nierva na may tig-20 digs at excellent receptions.
Nanguna si Eya Laure para sa UST sa ipinoste nitong 20 puntos at 18 digs, kasunod ang nagbabalik niyang ate na si EJ Laure na nagtala ng all-around game na 17 puntos, 20 digs at 12 excellent receptions.
Nauna rito, sinimulan ng reigning men’s titlist National University ang kanilang 3-peat campaign sa pamamagitan ng paggapi sa University of Santo Tomas, 27-25, 23-25, 25-19, 27-25.





Comments