top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Hinihinalang inabangan paglabas mula sa village.. Van ni Kim Chiu, niratrat ng riding-in-tandem

V. Reyes
Mar 5, 2020
1 min read

Pinagbabaril ng riding-in-tandem ang van na sinasakyan ng ABS-CBN actress na si Kim Chiu sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Ayon sa Quezon City Police District, nangyari ang insidente alas-6:15 ng umaga, sa Katipunan Avenue kanto ng C.P. Garcia Avenue.

Hindi naman nasaktan ang aktres, gayundin ang kanyang dalawang kasama sa sasakyan.

Isinalaysay ng drayber ni Chiu na si Wilfredo Taperla na dalawang lalaki na nakasuot ng itim na helmet at jacket ang anim na beses na nagpaputok sa kanilang sasakyan bago tumakas.

Patungo si Chiu sa taping ng isang television series nito nang mangyari ang pananambang. Tumuloy pa rin sa taping ang dalaga sa kabila ng insidente.

Sa kanyang Instagram account, sinabi ni Chiu na wala siyang alam na kaaway para pagtangkaan ang kanyang buhay. Hindi rin nito iniaalis ang posibilidad na mistaken identity o napagtripan siya.

“Wala naman akong kaaway o kaatraso. Kung sinuman ang gumawa nito Diyos na ang bahala sa inyong dalawa,” dagdag pa ng aktres.

Samantala, hinihinalang inabangan na ng mga salarin ang paglabas ng sasakyan mula sa village, saka isinagawa ang pamamaril.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page