Enforcers vs. vendors: Clearing operations nauwi sa sapakan

Layunin ng clearing operations na ibalik sa publiko ang mga kalye, pero sa halip na magtulungan ang mga lokal na pamahalaan at publiko, hindi ito ang nangyayari.
Halos mawalan ng malay ang isang tindera matapos sapakin ng enforcer sa gitna ng clearing operation sa Tarlac Public Market.
Makikita sa video na may ibinatong paninda sa direksiyon ng mga enforcer ang tindera kaya sinubukan siyang awatin ng kapwa tindera at ilang enforcers, pero patuloy pa rin ito sa pambabato.
At nang batuhin ang isang enforcer na malapit sa kanya, bigla siyang sinapak nito.
Mabilis na kumalat sa social media ang naturang video kaya tulad ng inaasahan, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens.
Kung sino ang mali, sila pa ang matapang at galit dahil itinatama ang pagkakamali.
Tipong ang gusto nila, lahat ng bagay ay pabor lang sa kanila kahit sila itong illegal na nagbebenta sa mga kalsada at nagiging abala sa daloy ng trapiko.
Masisisi ba natin kung naubusan na ng pasensiya ang mga enforcer kung sa pagsunod nila sa kautusan ay binabastos naman sila ng mamamayan?
Oo nga’t may mali sa ikinilos ng enforcer kaya dapat din itong bigyang-pansin upang hindi na maulit.
Gayundin, nauunawaan natin na gusto lang protektahan ng maliliit na negosyante ang kanilang pinagkakakitaan, pero kailangan ba talagang umabot sa bastusan?
Wala tayong kinakampihan dahil may mali ang parehong panig, pero sana ay magsilbing leksiyon ito sa ating lahat.
Para sa mga alagad ng batas, nauunawaan natin na sumusunod kayo sa kautusan, pero sana, maglaan pa kayo ng kaunting pasensiya.
Maging handa sana tayo sa ganitong sitwasyon upang malaman kung paano aaksiyon dahil marami pa ring pasaway at mas pinipiling lumabag sa kautusan kesa sumunod.
Tayo namang publiko, sumunod na lang at ‘wag nang maging agresibo para hindi mauwi sa sakitan at bastusan. Hindi naman ito ipag-uutos ng pamahalaan kung wala itong mabuting idudulot.
Tandaan, para rin ito sa kaayusan ng ating lugar kaya sana, magtulungan tayo at ‘wag kalimutan na hindi magiging matagumpay ang operasyong ito kung hindi tayo makikipagtulungan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments