2 Pinoy sa Singapore, positibo sa COVID-19
- M. Moratillo/G. Pleñago
- Mar 5, 2020
- 1 min read

Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore, ang ulat sa ikalawa at ikatlong Pilipinong nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19 sa Singapore.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Eduardo Menez, ang ikalawang Pinoy ay nakumpirma sa nasabing sakit nitong Pebrero 29 habang ang kaso ng ikatlong Pinoy naman nitong Marso 2.
Sa ngayon, nakaratay sa pagamutan ang dalawang pasyenteng Pinoy at tumatanggap ng kaukulang gamutan sa health facilities ng gobyerno ng Singapore.
Samantala, inihahanda na ng gobyerno ang proseso para sa pagpapauwi sa halos 200 Pinoy mula sa Macau na isa sa mga bansang apektado rin ng COVID-19.
Gayunman, kumpara sa mga umuwi galing sa Hubei Province sa China at mga galing sa Japan, hindi na sila isasailalim sa quarantine pagdating sa Pilipinas.
Paliwanag ni Health Sec. Francisco Duque III, ikukonsidera lang sila bilang mga person under monitoring.
Pero, binigyang-diin ng kalihim na walang dapat ikatakot ang publiko dahil hindi naman sila pababalikin sa bansa kung makikitaan sila ng sintomas ng virus.
Ang mga lokal na pamahalaan kung saan sila nakatira naman ang siyang mamamahala pagdating sa monitoring Araw-araw aniyang imo-monitor ang mga ito para masiguro na wala silang sintomas ng virus tulad ng sipon ubo at lagnat.
Ipinagmalaki ni Duque na wala pa ring naitatalang local transmission ng COVID-19 sa bansa.





Comments