top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Wala nang makapigil kay Oconer para sa korona ng Ronda

A. Servinio
Mar 4, 2020
2 min read

Vigan city – Patuloy ang selebrasyon para kay George Oconer at ang Philippine Navy-Standard Insurance matapos ang ika-siyam na yugto ng LBC Ronda Pilipinas 2020, 176.4 kilometro pa-hilaga mula Pugo, La Union at nagtapos sa Vigan City. Talagang wala nang makapipigil sa koronasyon ni Oconer at kanyang mga kakampi ngayong Miyerkules sa huling yugto, isang mabilisang Criterium Race na iikot sa mga lansangan ng kabisera ng Ilocos Sur.

Binuhos ni Kenneth Solis ang lahat ng kanyang makakaya upang lampasan at maagaw ang ika-siyam na yugto kay Christopher Garado ng South Luzon-Batangas. Kabilang sila sa unang pulutong na nagtapos na kasama din sina Mervin Corpuz ng 7-Eleven CLIQQ Air21, Bryant Sepnio ng Celeste Cycles at dating kampeon Santy Barnachea na binigyan ng parehong oras na 4:15:27.

Agad inalay ni Solis, isang 26-anyos na sundalo ng Philippine Army, ang tagumpay sa kanyang bagong silang na sanggol. Sa panig ni Garado, masaya sila at may nakamit silang karangalan kahit muntik na silang hindi tumuloy ngayong taon dahil nadamay ang kanilang lalawigan sa pagputok ng Bulkang Taal.

Subalit ang pansin ay nakatutok pa rin sa 28-anyos na si Oconer na may pangkalahatang oras na 31:50:52. Limang Navy ang sumusunod sa kanya sa katauhan nina Ronald Oranza (31:52:07), Ronald Lomotos (31:52:10), John Mark Camingao (31:52:45), Junrey Navarra (31:53:09) at El Joshua Cariño (31:54:43) at inaasahan na hindi magbabago ang kanilang mga puwesto kahit segundo lang ang agwat ng bawat isa.

Ang iba pang nasa Top Ten ay sina Jonel Carcueva (31:56:16), Daniel Ven Carino (31:56:38) at Ismael Grospe (31:56:40) ng Go For Gold at ang ika-10 na si Marvin Tapic ng Bicycology Shop-Army (31:59:38). Sa bisa ng kanilang paghawak sa unang anim na puwesto, walang duda na malayong-malayo na ang Navy sa team championship sa mga humahabol na Go-For-Gold at Bicycology.

Noong ika-walong yugto noong Lunes, dinagdagan lalo ni Oconer ang kanyang lamang matapos siyang unang tumawid ng finish line sa Burnham Park ng Baguio City kasama ng siyam na iba pang siklista sa pangunguna ni kampeon Daniel Ven Cariño at sina Tapic at Carcueva. Kailangan lang ay mag-ingat at tapusin ni Oconer ang Vigan Criterium bago siya makoronahan bilang ika-10 kampeon sa kasaysayan ng Ronda at mauwi ang isang milyong piso at regalo mula sa mga sponsor.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page