top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Pambatang palabas na huhubog para sa matinong kabataan palakasin

Bong Revilla
Mar 4, 2020
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Maraming magulang ang nagtatanong sa atin kung ano na umano ang nangyari sa ginawa nating paghimok kamakailan sa lahat ng television stations sa bansa na sundin ang Child-Friendly Content Standards (CFCS).

Ito ay upang maobliga silang maglaan ng 15 porsiyento ng stations’ airtime para sa kabataang mahilig manood ng telebisyon na ang edad ay 18 pababa.

Maraming kabataan ang labis na naiimpluwensiyahan ng panonood ng telebisyon hindi lamang sa pananamit at kung anu-anong uso kundi maging sa pag-uugali o values ay naaapektuhan sila ng kanilang panonood ng TV.

Sa ginawa naming pagdinig sa ilalim ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ay lumabas ang mga negatibo at positibong epekto ng panonood ng telebisyon sa mga bata, partikular ang mga walang bantay.

Ang mga ipinalalabas sa telebisyon ay gumaganap ng malaking papel sa paghubog ng kabataang Pinoy at malaking tulong ito para mabuo ang kanilang kumpiyansa laban sa mga hamon ng depresyon.

Nakababahala ang patuloy na pagtaas ng statistics sa bilang ng kabataang dumaranas ng depresyon at kalaunan ay nagpapatiwakal.

Ang National Council for Children’s Television (NCCT) ay nagpahayag na 84 porsiyento ng kabataang Pilipino ay ginagawang batayan ang lahat ng impormasyong napanonood sa telebisyon.

Maging ang pangangatwiran ng kabataan ay tila nagiging palaban na kumpara sa kabataan noong unang panahon na palaging may “po” at “opo” kapag nakikipag-usap sa mga matatanda.

Kaya napapanahon na talaga na dapat bigyang-halaga ang pagbubuo ng maraming child-friendly shows lalo pa at unti-unti nang nagkakaroon ng pagpapalit mula analogue patungo sa digital broadcasting.

Nagtataka ako kung bakit may mga government stations na hindi pangunahan ang pagbuo ng child-friendly shows para pamarisan ng ibang television networks hanggang sa maging kalakaran na.

Since they are government-owned, hindi mahalaga ang profit. Ang importante, we get our message across, dapat paigtingin din natin ang paglikha ng mga palabas na may magandang-aral.

Higit sa lahat ay magandang daan din ito para sa pagpapalaganap ng ating kultura bilang Pilipino para maintindihan nila sa murang edad kung paano tayo ipinaglaban ng mga kinikilala nating bayani.

Sa totoo lang, maraming bata, maging ang ilang teenager na out-of-school youth ay hindi kilala ang marami sa ating mga bayani at kung pagsisikapan ito ng mga TV networks ay napakalaking tulong talaga.

Maging ang mga mahahalagang batas sa ating bansa ay maaaring isadula sa makabagong atake na maiintindihan ng mga bata na habang nag-aaliw ay natututo at magagamit nila sa kanilang pagtanda.

Kaya itong gawin sa magaan at responsableng atake para maipalabas sa telebisyon na aakma sa kaisipan ng mga bata at hindi malalabag ang kanilang kabataan tulad ng palabas noon na Batibot na maraming naituro sa kabataan.

Kaya sa mga nag-aabang kung ano na ang update hinggil dito ay makaaasa kayong tuluy-tuloy tayo sa pagtutok dito at umaasa tayo ng positibong resulta hinggil dito para kahit paano ay maibsan ang mga batang kulang sa kaalaman.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page