Naetsapuwera sa kasong isinampa ng utol para maipawalambisa ang kontrata, naghahabol
- Persida Acosta
- Mar 4, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Dalawang taon na ang nakalilipas nang mabayaran namin ng kapatid ko ang equity payment para sa condominium unit na binibili namin. Subalit, hanggang ngayon ay hindi pa rin nate-turnover sa amin ang nasabing unit. Nagulat na lang ako nang malaman kong nagsampa na pala ng kaso ang kapatid ko laban sa developer ng nasabing unit upang ikansela ang kontrata namin at ibalik sa kanya ang ibinayad naming equity payment. Maaari ko bang ipa-dismiss ang kasong ito sapagkat hindi man lamang ako isinama rito? - Mathilda
Dear Mathilda, Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay ng Korte Suprema sa kasong Pamplona Plantation Company, Inc. vs. Tinghil (G.R. No. 159121 – February 3, 2005, Ponente: Honorable former Chief Justice Artemio V. Panganiban), kung saan sinabi na:
“The non-joiner of indispensable parties is not a ground for the dismissal of an action. At any stage of a judicial proceeding and/or at such times as are just, parties may be added on the motion of a party or on the initiative of the tribunal concerned. x x x The remedy is to implead the non-party claimed to be indispensable.” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, ang hindi pagsasama ng mga taong dapat o kailangang kasama sa kaso o ang mga tinatawag nating indispensable parties ay hindi basehan upang ipabasura ang kaso, bagkus, ang tamang aksiyon sa ganitong sitwasyon ay ipa-implead o isama ang mga iniwang indispensable parties (sa pamamagitan ng motion ng party o inisyatiba ng korteng may hawak ng kaso na maaaring gawin sa anumang yugto ng pagdidinig) sa nasabing kaso.
Samakatwid, mali ang naiisip ninyong hakbang na ipababasura ang kaso na isinampa ng inyong kapatid sapagkat ang tamang hakbang ay ang pagpapakita ninyo sa korteng dumidinig ng kasong ito na kayo ay nararapat isama sa nasabing kaso, bilang isa sa mga partido ng kontratang ipinakakansela.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments