top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

Mga pasaway na drayber, paulit-ulit, sampulan nang madala

  • Ryan B. Sison
  • Mar 4, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Nag-viral ang video ng truck driver na nakipaghabulan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) enforcer na sumita sa kanya sa EDSA.

Ayon sa MMDA, lumabag ito sa truck ban kaya nang sitahin, nakipaghabulan pa ito at nagtangkang tumakas.

Makikita sa video na todo-harurot ang truck driver kaya nakuha nito ang atensiyon ng MMDA mobile at kahit ginamitan ng wang-wang at blinker ng MMDA habang hinahabol, hindi sila pinansin ng drayber at umabot pa ang habulan sa underpass ng P. Tuazon saka ito nakorner.

Titiketan na sana ang drayber, pero humarurot ulit kaya nakipaghabulan na naman ang mga enforcer hanggang sa nakorner ulit ito. Dahil dito, agad na pinirmahan ni MMDA General Manager Jojo Garcia ang request sa LTO na i-revoke ang lisensiya nito.

Posibleng maharap sa kasong criminal, reckless imprudence resulting in damage to properties, bukod pa sa evading at disrespecting persons of authority ang pasaway na drayber.

Magsilbi rin sana itong paalala sa mga operator na maging mapili sa paghahanap ng drayber. ‘Yung marunong magmaneho, pero sana, marunong ding sumunod sa batas-trapiko at may magandang background dahil kapag may ginawa silang paglabag o nasangkot sa aksidente, may pananagutan din kayo.

Gayundin, habang tinututukan ng MMDA, Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pasaway na Public Utility Bus (PUB) driver, baka naman ho puwede nang isunod ang mga walang disiplinang truck drivers?

Siguradong marami pa rin d’yan ang mga balagbag na walang pakialam sa mga kasabay sa kalsada.

At kayo namang mga tsuper, kapag pinahinto, huminto kayo agad at ‘wag nang makipaghabulan dahil lalo lang darami ang paglabag ninyo.

Nakalulungkot lang dahil kailangan pa nating makiusap na ‘wag magpasaway kahit dapat kusa itong ginagawa.

Gayunman, sana ay tuparin ng LTO ang kanilang pramis na magiging mahigpit sila sa pagbibigay at pagre-renew ng driver’s license. Tuluyan na rin sanang mawala ang mga fixer na isa sa mga dahilan kung bakit maraming nagkakaroon ng lisensiya kahit hindi naman dapat.

Matagal nang problema ang mga pasaway na drayber na ito kaya panawagan sa lahat, maging bahagi tayo ng solusyon at hindi ng problema.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page