Matapos ang hostage-taking sa isang mall.. Mga security agency, imbestigahan

Nais ng ilang kongresista na maimbestigahan ang mga security agency sa bansa sa posibilidad na hindi lamang sa korupsiyon nasasangkot ang mga kumpanya kundi maging sa pagmamaltrato at pambu-bully sa kanilang mga tauhan.
Sa harap ito ng sinasabi ng dating security guard sa Virra Mall na si Alchie Paray na ang suhulan at hindi makatwirang pagsibak sa trabaho ang nagtulak sa kanya upang mang-hostage.
Sinabi ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran na kung pagbabatayan ang mga pahayag ni Paray ay masasabing biktima ito ng mapang-abusong amo.
Samantala, may pangangailangan na umanong marepaso ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang kalagayan sa paggawa ng mga guwardiya sa bansa.
Naniniwala rin si ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo, na ang hostage incident ay dapat magsilbing eye-opener para mapabuti ang pagtrato at bigyan ng dignidad ang mga guwardiya sa bansa.
Bagama’t, karaniwang mga makapangyarihang indibidwal ang may-ari ng security agencies sa bansa, iginiit ni Tulfo na makatwiran pa ring ipursige ang pagsusuri sa working conditions at pagsunod sa labor standards ng mga security agency na nasa ilalim ng regulasyon ng PNP Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (SOSIA).
Bagama’t, hindi nito kinukunsinti ang ginawa ni Paray, sinabi ng kongresista na kailangan ding unawain ang pinagdaanan nito at ng kanyang pamilya.
Hinimok din ng mambabatas ang DSWD na agad magbigay ng ayuda sa pamilya ni Paray at magsagawa ng counseling ang DOH sa lahat ng biktima ng pangho-hostage.





Comments