top of page
Pokwang.jpg

Marawi Siege, 3 taon nang tapos, mga biktima, nganga pa rin!

Imee R. Marcos
Mar 4, 2020
2 min read

Kalunus-lunos ang kalagayan ng ating mga kababayang biktima ng Marawi Siege.

Nakagugulat nang balikan ko ang ground zero dahil wasak pa rin ang lugar, bulok at sira-sira pa rin ang mga bahay at iba pang imprastruktura.

Magtatatlong taon na mula nang maipit ang mga taga-Marawi sa giyera ng mga terorista at tropa ng militar dahilan para mawasak ang maraming kabahayan at negosyo roon, pero hanggang ngayon, wala pa ring pagbabago!

Paano ba namang makauuwi roon ang ating mga kababayang taga-Marawi, eh, wala pa rin silang bahay na matutuluyan, wala pa ring tubig at kuryente.

Dapat na silang pauwiin bago pa man sumapit ang third anniversary ng Marawi Siege ngayong May 23, pero mukhang malabo itong mangyari.

Ano na ba ang nangyari sa rehab fund? Bakit ibinalik ang ibang pondo at ang iba ay hindi awtorisado ng Commission on Audit (COA)?

Bukod d’yan, saan napunta ang donasyon ng maraming bansa? Naku, ha, parang I smell something fishy! Aminin…

Heto pa, ang ipinagmamalaking accomplishment na pabahay ng gobyerno at rehabilitasyon, eh, sa labas pala ng ground zero ginawa! Bakit hindi ang ground zero muna ang inuna? No wonder kaya pala ang ating mga kababayan ay hindi pa rin makauwi sa kani-kanilang lugar.

Tungkol sa isyu ng land titling sa sandaling makauwi na sila, naku, isa pang dapat tutukan. Baka kung hihintayin pa ang proseso niyan, aabutin ng 20 hanggang 30 years ‘yan, eh, talagang wala nang pag-asang makauwi sila.

Sa ilalim ng Administrative Code, papayagan ang pangulo ng bansa na ibigay ang mga public lands para sa titling tulad ng ginawa sa Mindanao State University sa Marawi na bahagi ng military reserve at iba pang lugar doon.

Kaya puwede ang “outright titling” sa Marawi kaya hindi na tatagal ang proseso. Sa totoo lang, kung ako lang, ibigay na ‘yan nang libre!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page