Kaligtasan ng crowded fans uunahin ng PBA vs. COVID-19
- ATD / MC
- Mar 4, 2020
- 1 min read

Tiniyak ng Philippine Basketball Association (PBA) na gagawin nilang lahat ng paraan at magtatakda ng mga safety measures sa kasagsagan ng liga sa sandaling magbukas na ang 45th season ng PBA sa Linggo sa gitna ng coronavirus outbreak.
Sinabi ni Commissioner Willie Marcial sa PBA.ph na ang mga venues na pagdarausan ng mga laro para sa season-opening ng Philippine Cup ay kinakailangan na maglaan ng medical supplies tulad ng thermometer scan, hand sanitizer o alcohol upang matiyak ang kaligtasan ng mga manonood.
Idaraos sa Smart Araneta Coliseum ang season opener sa Linggo at itatampok ang nag-iisang laro sa pagitan ng five-time defending champion San Miguel Beer at Magnolia Hotshots. “Yes, usapan na namin sa mga venues na sila ang magpo-provide ng supplies,” ani Marcial. “Malaking bagay ‘yun. Alam mo rin naman tayong mga Pilipino ay nag-iingat din.”
Dahil na rin sa pag-iingat na hindi panggagalingan ng coronavirus outbreak ang liga, iniatras ang opening ng bagong season ng isang linggo sa halip na noong Marso 1 nagsimula.
Ang isang linggong postponement ay dahil na rin sa mungkahi ng Commissioner. “Na-suggest ko ‘yun (during the PBA planning session), nai-delay muna (ang opening) para malaman natin kung ano ang mangyayari, na sa tingin ko nakabuti naman.”
Kahit na-delay ng isang linggo, ang iskedyul ng liga sa buong season ay apektado rin. “Ngayon baka umabot na ‘yung buong season hanggang Pebrero. Malaking bagay ‘yung isang linggo na ‘yun,” aniya.





Comments