top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Biado at De Luna, sasargo sa titulo ng World 10-Ball

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Mar 4, 2020
  • 2 min read

Dalawang beses nang nakaakyat sa trono ng World 10-Ball Championships ang isang manunumbok mula sa Pilipinas at ito’y dahil sa husay ni Rubilen “Bingkay” Amit ng Cebu subalit sa hanay ng mga kalalakihan ay bokya pa rin ang bansa.

Pipilitin ng trio nina Carlo Biado, Johann Chua at Jeffrey De Luna na mapatid na ang tagtuyot na ito sa pagsargo nila simula ngayong Marso 16 sa 2020 World 10-Ball Championships na gaganapin sa palaruan ng Rio All Suites Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.

Sa tatlo, si “Black Tiger” Biado ang may pinakamakinang na rekord dahil sa kanyang mga titulo sa World 9-Ball Championships at World Games noong 2017 at sa runner-up finishes sa World 10-Ball (2015) at World 9-Ball (2018).

Pero hindi naman matatawaran ang kakayanan ni Chua, may bansag ding “Bad Koi” sa billiards circle, dahil ang tikas niya ay naging dahilan para maimbitahan siya para lumahok sa “by invitation only” at prestihiyosong World Pool Masters sa Gibraltar.

Ganito rin halos ang kuwento ni “Cobra” De Luna na humablot ng isang upuan sa World 10-Ball main draw matapos itong mamayagpag sa Qualifiers na umakit ng 64 bilyarista at ginanap sa Arlington, Texas noong Pebrero 8-9.

Nagsanib-puwersa rin sina Biado at De Luna para makuha ang pangalawang puwesto ng 2019 World Cup of Pool.

Bukod sa tatlo, bagama’t, suot na ang kulay ng Canada, ang tubong Isabela na si Alex “The Lion” Pagulayan ay pang-14 sa seedings samanalang posible pang makapasok sa kumpetisyon si Derby City Classic Master of the Table winner Dennis “Robocop” Orcullo kung papalarin siya at malalagay sa malupit na qualifiers sa Diamond 10-Ball Open na magsisimula sa Marso 11 kung saan tatlong upuan ang nakareserba para sa World 10-Ball tilt.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page