top of page
Pokwang.jpg

Ancajas vs. Rodriguez sa IBF Superflyweight C'ships

Gerard Arce
Mar 4, 2020
2 min read

Matutuloy na ang paghaharap nina International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas laban kay Jonathan Javier “Titan” Rodriguez ng Mexico sa Abril 11 sa Cosmopolitan Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada sa Estados Unidos.

Ayon sa inilabas na ulat ng Boxingscene.com, mapapanood umano ang naturang salpukan ng 28-anyos na tubong Panabo, Davao del Norte na may 32-1-2 at 22 knockouts na kartada laban sa 24-anyos na may rekord na 21-1, 15KOs sa ESPN. Ang laban nito kay Rodriguez ay ang naunsyaming pandaigdigang bakbakan ng dalawa na nakatakda sana para sa 12-round title fight sa Carson City, California noong Nobyembre ng isang taon.

Sa isang statement na noon na inilabas ng Top Rank promotions, nagkaroon umano ng problema sa Visa ang Mexican challenger bago pa man ito magtungo sa Carson kung kaya’t napilitang ikansela ng naturang promotional outfit ang laban dahil sa pagkadelay ng approval nito.

Gayunman, muling lumaban ng sumunod na buwan ang Filipino boxing sensation para sa 115-lbs title laban kay Miguel Gonzalez ng Chile na nagtapos sa pamamagitan ng 6-round stoppage sa Auditorio GNP Seguros sa Puebla, Mexico noong Disyembre ng isang taon. Ang panalong ito ni Ancajas ay nagdala sa kanya ng kanyang ikawalong sunod na title defense sa junior bantamweight na mistulang dinomina nito ang kalabang si Gonzalez sa 1:53 ng 6th round.

Nakuha ni Ancajas ang kanyang titulo kay Mc Joe Arroyo noong Setyembre, 2016 sa Jurado Hall sa Taguig City sa bansa na nagresulta sa unanimous decision victory. Matapos nito ay sunod-sunod na ang laban ni Ancajas sa labas ng bansa, partikular na sa Estados Unidos kung saan tinalo na niya sina Jose Alfredo Rodriguez ng Mexico, Japaneses Teiru Kinoshita, Jamie Conlan ng Ireland, Mexican Israel Gonzalez, Filipino Jonas Sultan, at Ryuichi Funai ng Japan.

Nag-aasam si Ancajas na mai-unify niya ang mga titulo sa naturang weight category at kasalukuyang co-managed ito ng Top Rank ni Bob Arum at MP Promotions ni World Boxing Association (WBA) welterweight titlist Manny “Pacman” Pacquiao.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page