Sinibak, namaril.. Sekyu, nang-hostage ng 30 sa mall, naka-FB live

Tumagal ng halos sampung oras ang hostage-taking na naganap sa V-Mall sa Greenhills Shopping Center sa San Juan City, kahapon.
Mistulang nagsagawa ng press conference ang hostage-taker na si Archie Paray, matapos pakawalan ang mga bihag na aabot sa 30 katao.
Inilabas ng dating security guard ang kanyang sama ng loob sa kanyang agency.
Aminado si Paray na noong Disyembre pa niya plinano ang naturang pangho-hostage sa mga empleyado ng mall dahil sa hindi magandang pamamalakad ng kanyang mga boss.
Isa rin sa kanyang hinaing ay umano’y iregularidad sa kanyang pinagtatrabahuhan at pagmamaliit sa aniya’y mabababang empleyado na tulad niya.
Aniya, noong Disyembre rin niya ipinarating sa Safeguard Armor Security Corporation (SASCOR) ang kanyang hinaing subalit, binalewala lamang umano ito.
Una rito, nabaril ni Paray ang biktimang si Ronald Velita, na officer-in-charge (OIC) na security guard ng naturang mall.
Sa ulat ng San Juan City Police, alas-11:22 ng umaga nang maganap ang hostage-taking sa 2nd floor, ng Administration Building, ng V-Mall Greenhills Shopping Center.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, nag-AWOL umano ang suspek kaya sinibak ito at nang pumasok ito sa trabaho ay hindi na ito pinayagang makapag-duty.
Dito na umano nag-amok ang suspek at binaril si Velita saka hinostage ang mga empleyado.
Armado umano ng baril at granada ang suspek. Agad namang ini-lockdown ng mga awtoridad ang naturang mall at pinalabas ang mga kostumer doon at isinara ang mga tindahan sa loob.
Agad ding nagtungo sa lugar sina National Capital Regional Police Office Director PMGen. Debold Sinas, Eastern Police District Director PBGen. Johnson Almazan, gayundin si Zamora.
Nabatid na nakakausap umano ng crisis management team ang hostage-taker sa pamamagitan ng video call at Facebook live.





Comments