Pagsusuring-medikal sa mga special children na mag-aaral, dapat pasok na sa Universal Health Care

Isang inisyatibong tinututukan ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay ang pagpapalakas ng Inclusive Education sa Pilipinas o sa sistema ng edukasyon kung saan pinagsasama-sama sa isang silid-aralan ang mga batang may kapansanan o “children with disabilities” at “non-disabled students”.
Kaugnay nito, kailangang matutukan din ang indibidwal na kalagayan ng mga batang “with special needs” sa pamamagitan ng tamang diagnosis.
Para sa mga magulang, may kamahalan ang presyo ng medical diagnosis kaya panawagan nating sana ay saklawin na ng Universal Health Care Law ang diagnosis ng mga batang ito upang mabigyan sila ng karampatang atensiyon at angkop na pamamaraan ng pagtuturong naaayon sa kanilang mga pangangailangan.
Unang hakbang dapat ang pagsusuring- medikal o medical diagnosis bago opisyal na maisama sa kategorya ng “children with disabilities” ang mga naturang bata.
Tiyak na makatutulong din ang prosesong ito upang matukoy ang mga kailangang intervention sa kanila.
Kapag walang medical diagnosis ang mga bata, ang ginagamit na lamang ng mga guro ay ilang ‘assessment tools’ mula sa Department of Education (DepEd) tulad ng Early Childhood Development Council (ECCD) Checklist at Multi-Factored Assessment Tool (MFAT).
Ayon sa mga guro, nakatutulong ang mga ito upang matukoy ang mga mag-aaral na napag-iiwanan sa kanilang pagkatuto.
Ginagabayan din ng mga assessment na ito ang mga guro upang makabuo sila ng tinatawag na Individualized Education Program para sa bawat mag-aaral na may kapansanan.
Ngunit, lumalabas na hindi pa rin sapat ito para masuring maigi ang tunay na kondisyon ng bata.
Sa inihain nating panukalang-batas na Senate Bill No. 171 o Inclusive Education for Children and Youth with Special Needs Act, layon nitong isama na sa mga sasaklawin ng Universal Health Care Law ang pagbabayad sa diagnosis ng children with disabilities dahil sa kasalukuyan ay hindi ito sakop ng naturang batas.
Isusulong ng nasabing panukalang-batas ang pagkakaroon ng Inclusive Education Learning Resource Centers sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Kung mabibigyan natin ang kabataang may kapansanan ng de-kalidad na edukasyon, matutulungan natin silang mahasa ang kanilang mga abilidad upang makapag-ambag sa ating lipunan.
Ngunit, hindi ito magagawa kung kulang ang pondo para mabigyan ng kaukulang suporta ang ating mga mag-aaral at guro sa SPED.
Kaya, napakahalaga na magkaroon ng sapat at regular na pondo ang SPED program ng DepEd upang matugunan ang mga pangangailangan ng programa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments