Navy-Standard Insurance, malakas; Oconer nasa top spot

Baguio City - Balewala sa Standard Insurance-Navy ang kinakatakutang Stage 8 sa LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary.
Magkasama ang anim na Navy riders na dumating sa meta, swak sa top 10 finishers sa Stage 8 na nagsimula sa Palayan City at nagtapos sa Burnham Park sa Baguio, kahapon.
Nanaig sa nasabing stage si Daniel Ven Cariño ng Go for Gold, pangalawa si Marvin Tapic ng Bicycology Shop-Army habang nasa third at fourth sina Go for Gold riders, Jonel Carcueva at Ismael Grospe Jr.
Dumating na pang-10 ang may tangan ng Red Jersey na si George Oconer.
Ang ibang Navy cyclists na pumasok sa unang 10 na dumating sa meta ay sina Junrey Navarra, (5th), 2018 champion Ronald Oranza, (6th), Ronald Lomotos, (7th), John Mark Camingao, (8th) at El Joshua Cariño, (9th).
Dumikit ang tsansa ni Oconer, 28-anyos sa asam na titulo sa event na inorganisa ng LBC at pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation.
“Pangarap ko talaga manalo sa Ronda kaya kung sakali na makuha ko, malaking pasasalamat ko sa mga kakampi ko at sa buong team na sumusuporta sa amin,” pahayag ni Oconer, anak ng dating Olympian na si Norberto Oconer.
Nairehistro ang aggregate clocking na 27 oras, 34 minuto at 35 segundo ni Oconer sapat para hawakan ang top spot ng overall individual classification.
Hindi natinag sa puwesto ng ibang Navy rider mula sa second hanggang sixth place sa karera ng NLEX-SCTEX, Maynilad LBC Foundation at PhilCycling.
Nakapamewang sa pangalawang puwesto ng IC si Oranza, tersero si Lomotos, pang-apat si Camingao habang fifth at sixth sina Navarra at Cariño ayon sa pagkakasunod. Samantala, tiyak na ang overall team classification sa
Standard Insurance-Navy, nakalikom sila ng 110:18,25 na oras matapos ang walong stages, lamang sila ng 33 minuto at 25 segundo sa pumapangalawang Go for Gold team, pangatlo ang Bicycology Shop-Army habang pang-apat ang Scratch It.
“Malalaman natin sa Baguio kung ako pa ang lalamang kasi napakatarik at malayo ang mga akyatan,” wika ni Oconer na nais maiuwi ang kanyang unang kampeonato sa Ronda.





Comments