'Di pa rin sila nagkakaayos ng pamilya… Sarah, masayang malungkot sa kasal nila ni Matteo
- Ador Saluta
- Mar 3, 2020
- 2 min read

Last Sunday (March 1), winelkam ng ASAP Natin ‘To ang bagong kasal na si Sarah Geronimo bilang si Mrs. Sarah Geronimo-Guidicelli o SGG. Bagama’t nabahiran ng isyu ang nasabing secret Christian wedding ng newlyweds, still, nasa Cloud 9 pa rin ang pakiramdam ng bride sa tuwing nakakatanggap ng mga pagbati mula sa mga kaibigan at Kapamilya stars.
Halos buong ABS-CBN stars na nakasama ni Sarah sa ASAP Natin ‘To ay nagbigay-pugay sa kanyang pagbabalik sa show bilang Mrs. Guidicelli.
Nangingilid ang luha ni Sarah habang pinakikinggan ang mga pagbati sa kanya ng malalapit na kaibigan gaya ni Erik Santos na kasabayan niya sa mga binansagang “Champions” ng mga singing contests na kinabibilangan din ni Rachelle Ann Go.
Pahayag ni Erik, “Kaming mga kaibigan niya sa Champions, sobra kaming masaya para sa iyo, Sarah. Sobrang saya ng puso namin dahil alam namin ‘yung mga pinagdaanan ni Sarah. Ngayon na sobrang happy mo na, happy kami para sa inyo ni Matt.”
Walang partikular na binanggit si Erik kung ano’ng pagsubok sa buhay ni Sarah ang kanyang nasaksihan. Pero kasabay ng pagpapakasal ni Sarah ay mainit na pinag-usapan ang mariing pagtutol ng ina niyang si Divine Geronimo sa lihim na pag-iisang-dibdib nila ni Matteo.
Lumalabas kasing tanging mga kapamilya lang ni Matteo at ilang piling kaibigan ang naimbitahan sa kasal nila ni Sarah noong February 20, 2020 at wala ang pamilya ng aktres-singer.
Hanggang ngayon ay tikom ang bibig ni Sarah sa napabalitang pag-iiskandalo ng kanyang ina sa wedding reception. Pero kita sa mga mata ng singer na sa kabila ng saya na kapiling niya ang minamahal na si Matteo, mayroon pa rin itong iniindang lungkot.
Hindi man malinaw sa ngayon kung ano ang puno’t dulo ng pagtutol ni Mommy Divine, marami ang nagpahayag ng suporta para sa bagong mag-asawa.
Sa ASAP Natin ‘To, nagpahayag din ng best wishes sina Zsa Zsa Padilla, Martin Nievera, Ogie Alcasid at Regine Velasquez.
Matamis ang pagkakangiti ni Sarah sa tuwing tinatawag siyang “Mrs. Guidicelli” o kaya “Sarah G.G.” para sa initials niyang Geronimo-Guidicelli.
Noong nakaraang linggo ay personal pang bumisita sina Regine at Ogie sa taping ni Sarah ng The Voice Teens 2 para lamang batiin ito.
Nangako pa si Ogie na magreregalo ng washing machine kina Sarah at Matteo, na kamakailan lang ay namataang namimili ng mga kagamitan para sa kanilang titirhang bahay.
Sey naman ni Regine, sabong panlaba ang ipa-partner niya sa washing machine ni Ogie bilang panregalo sa bagong kasal.
Sa Greatest Showdown segment ng ASAP, binigyan din ng tribute love songs si Sarah. Hinarana ni Martin si Sarah sa saliw ng kanta niyang The Promise.
Sa huling linya ng lyrics ng How Could I Ever Say Goodbye, lumapit si Martin kay Sarah at niyakap ito.
Madamdamin din ang inialay na kanta ni Erik para kay Sarah, ang The Last Time ni Eric Benet. At sa last line ng kanta, sey ni Erik, “This is the last time Matt falls in love.”




Comments