top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

COVID-19, hindi sapat para i-stop ang klase

Ryan B. Sison
Mar 3, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Tuloy ang mga klase.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa kabila ng pagtaas ng World Health Organization (WHO) sa maximum level sa sitwasyon ng coronavirus disease (COVID-19).

Wala umanong nakikitang dahilan ang pamahalaan para ipatigil ang klase, gayundin, depende pa rin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging desisyon at sa magiging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF).

Wala rin umanong dapat alalahanin ang publiko dahil maayos ang pag-contain ng Pilipinas sa COVID-19, gayundin, nakalatag na ang lahat ng protocols para masigurong maayos na natutugunan ng pamahalaan ang naturang sakit.

As usual, hati ang opinyon ng taumbayan dahil kahit pinakalma ng Palasyo ang publiko, may mga natatakot pa rin habang meron namang nagtitiwala sa pamahalaan na ginagawa nito ang lahat para hindi kumalat ang COVID-19 sa bansa.

Oo nga’t may pangamba pa rin, pero hindi puwede na unahin natin ang takot at wala tayong gawin.

Hangga’t walang suspensiyon ng mga klase sa bansa, gamitin sana itong pagkakataon para hindi masayang ang mga natitirang araw sa paaralan ngayong taong ito.

Tapusin ang mga aktibidad na dapat tapusin at habang sinisiguro ng pamahalaan na ligtas ang publiko laban sa sakit, tayo naman ay may dapat ding gawin.

Panawagan sa pamuuan ng mga paaralan, panatilihing may mga handwash, alcohol at hand sanitizer sa mga CR at sa mga estudyante naman, panatilihin ang kalinisan upang makaiwas sa iba pang mga sakit.

Tayong mga magulang, maghain tayo ng masusustansiyang pagkain, gayundin, tayo na ang maghanda ng baon ng ating mga anak nang sa gayun ay makasigurado tayong malinis at ligtas ang kanilang mga kakainin.

Manatili tayong kalmado at handa para makasiguradong ligtas tayo sa virus na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page