top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Titser ‘monster’, panira sa buhay ng estudyante

Ryan B. Sison
Mar 2, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Patuloy pa ring dumarami ang bilang ng mga estudyanteng nagpapakamatay dahil sa problema sa eskuwelahan.

Ilan sa mga dahilan ay ang bagsak na grades, tambak na school works at na-bully ng kapwa estudyante o guro.

Kamakailan, isang insidente ng tangkang pagpapakamatay ng estudyante ang nangyari dahil sa pagmumura ng guro sa Solsona, Ilocos Norte.

Base sa impormasyon, habang breaktime, gumamit ng cellphone ang biktima at nang

makita ng guro ay pinagmumura umano ito.

Kuwento ng ina ng biktima, umuwi ang bata na umiiyak at nanginginig at nakita na lamang itong uminom ng 20 tableta ng gamot.

Hindi umano nakipag-usap nang maayos ang principal ng naturang paaralan, kaya tiniyak ng DepEd na ipatatawag ang guro at principal upang mag-report sa insidente.

Sa totoo lang, kahit may pagkakamali ang estudyante, tungkulin pa rin ng guro na manatiling kalmado at pangaralan sa tamang paraan ang mag-aaral.

‘Ika nga, ikalawang magulang ang mga guro, pero paano ipagkakatiwala ng mga magulang ang kanilang anak sa paaralan kung may ganitong insidente?

Baka naman may puwedeng gawin ang mga kinauukulan sa dalawang panig?

Dapat na rin sigurong magkaroon ng faculty evaluation system sa high school nang sa gayun ay ma-monitor ng paaralan ang performance ng guro base sa mata at karanasan ng mga estudyante.

Marami pa rin kasing insidente ng paninigaw o pananakit ng guro na hindi naiuulat dahil sa takot ng mag-aaral, kaya ang ending, nato-trauma at nauuwi sa depresyon.

Hindi natin sinasabing beybihin o kunsintehin ang mga bata kung sila ang may mali dahil ang gusto natin ay malaman ang dalawang panig, gayundin, para mapanagot ang dapat managot kung may ginawang paglabag.

Pakiusap sa kinauukulan, bigyang-pansin din natin ang pangmatagalang epekto ng ganitong asal ng guro dahil habambuhay itong dadalhin ng kabataan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page