Tennis Star Eala, abangan sa stage ng SMC-PSA Awards
- VA
- Mar 2, 2020
- 1 min read

Pamumunuan ng pumapaimbulog na tennis star na si Alex Eala ang mga kabataan at sumisibol na mga atleta ng bansa sa pagsalta nila sa center stage ng darating na SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night.
Ang 14-anyos na si Eala ay kasama ng siyam pang mga kabataang atleta na tatanggap ng 2019 Tony Siddayao awards sa gala night sa darating na Biyernes-Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Ang award na ipinangalan sa dating Sports Editor na si Antonio ‘Tony’ Siddayao ang tinaguriang Dean of Philippine Sportswriting ay iginagawad sa mga bagong sumisibol na mga atletang nangingibabaw sa kanilang larangan.
Kaya naman karapat-dapat sa award si Eala lalo pa’t tumapos siyang nasa Top 10 ng world junior rankings sa pagtatapos ng 2019. Pagkaraan ng kanyang grand slam title matapos magwagi sa Australian Open girls doubles tournament katuwang si Priska Madelyn Nugroho, umakyat sa no.4 spot sa world ranking ang Pinay junior netter.
Kasama niyang pararangalan sina age-group swimmers Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryant Dula sa taunang pagtitipon ng pinakamatandang media organization sa bansa na pinamumunuan ni MB Sports Editor Tito S. Talao at inihahatid ng Philippine Sports Commission, MILO at Philippine Basketball Association.
Ang iba pang Siddayao awardees ay sina youth bowlers Dale Lazo at Jordan Dinham, karateka Juan Miguel Sebastian, golfer Celine Abalos, Woman FIDE master Antonella Racasa, powerlifter Jessa Mae Tabuan at ang nakatatandang kapatid ni Eala na si Michael Eala.
Nangunguna sa halos 200 awardees ng sportswriting fraternity ng bansa ay ang 30th Southeast Asian Games overall champion Team Philippines bilang 2019 Athlete of the Year.





Comments