Pagsaklolo ni Sen. Poe sa ABS-CBN, ilegal!
Walang delicadeza na ipinakita si Sen. Grace Poe nang nagpatawag ito ng hearing sa Senate Committee on Public Services para sa isyu ng pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.
Teka, hindi ba, ang awtoridad sa pagbibigay ng prangkisa ay nasa kamay ng Mababang Kapulungan, bakit nakikialam ang senadora at ang Senado?
Ito ay dahil kailangan ng ABS-CBN ng resbak ngayong malapit nang mag-expire ang prangkisa nito.
Ngayong Mayo 4, wala nang karapatan ang istasyon na magpatuloy ng operasyon sapagkat wala nang bisa ang lisensiya nito.
Si Sen. Poe ang tila naging PR ng ABS-CBN nang magpatawag ito ng hearing. Pero parang propaganda lamang ang pagdinig na ginawa ni Sen. Poe sa Senado para mapabango ang imahe ng ABS-CBN.
Hindi niya inintinding may tinatawag na “conflict of interest” siya sa isyu ng ABS-CBN. Ibig sabihin, may pinansiyal na interes si Sen. Poe at kanyang inang si Susan Roces sa ABS-CBN.
Isa siya sa mga stockholder ng FPJ Productions na siyang may-ari ng mga pelikulang nagawa ng kanyang yumaong ama na si Fernando Poe, Jr..
Noong 2013, nakuha ng ABS-CBN ang “exclusive rights” para ipalabas ang mga pelikula ni FPJ sa telebisyon. Na-renew ng pamilya Poe at ABS-CBN ang kontrata noong 2018.
Ayon sa kontrata, may babayarang “royalties” ang ABS-CBN sa FPJ Productions tuwing magpapalabas ito ng mga pelikula ni FPJ sa telebisyon o online. Siguradong malaki ang kinita at kikitain ng pamilya Poe mula sa aregluhan ng ABS-CBN.
Kaya naman, kung magsasara ang istasyon ay mawawalan ng pagkakaperahan ang mga ito. Ito ba ang dahilan kung bakit todo-depensa ang senadora sa ABS-CBN?
Nakikinabang din ang ina niyang si Susan mula sa mga programa nito sa ABS-CBN.
Hindi ba, kasama si Susan Roces sa “Ang Probinsyano” na apat na taon nang
ipinalalabas sa istasyon? Siguradong malaki ang talent fee ni Susan sa programa
sapagkat malaki ang papel niya bilang si “Flora” o “Lola Kap.”
Kung magsasara ang ABS-CBN, wala na ring kikitain si Roces mula sa programa. Ito ba ang dahilan kung bakit gustong isalba ng senadora ang ABS-CBN?
Delicadeza at “conflict of interest” — panahon na para pag-aralan ng senadora ang mga katagang ito. Malinaw na may personal at pinansiyal na kinalaman ang senadora sa isyu ng prangkisa ng Dos.
Dapat hindi siya masangkot sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN sapagkat maaari ring mailagay ni Sen. Poe ang sarili sa aktong ilegal.
Ayon sa abogadong si Trixie Cruz-Angeles, isa ring tanyag na blogger, ang ginawa ni Sen. Poe ay maaaring ituring na paglabag sa batas.
Malinaw sa Saligang-Batas na hindi puwedeng makialam sa anumang prangkisa ang sinumang opisyal kapag meron siyang personal o pinansiyal na interes dito.





Comments