top of page
Linda Walker - Circulated.jpg

Gastos sa pagtataas ng party wall, hindi obligasyong bayaran ng kapitbahay

  • Persida Acosta
  • Mar 2, 2020
  • 2 min read

Dear Chief Acosta, May pader sa pagitan ng hangganan ng bakuran ko at sa aking kapitbahay. Tinaasan ng kapitbahay ko ang pader namin dahil nakikita raw sila mula sa ikalawang palapag ng bahay ko. Matapos itaas ang pader namin ay pinagbabayad niya ako ng kalahati ng kanyang nagastos. Obligasyon ko bang bayaran ito? - Melly

Dear Melly, Para sa inyong kaalaman, ang nakatayong pader sa hangganan ng inyong bakuran at ng iyong kapitbahay ay ipinapalagay na party wall na pag-aari ninyong dalawa alinsunod sa Articles 658 at 659 ng New Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:

“Article 658. The easement of party wall shall be governed by the provisions of this Title, by the local ordinances and customs insofar as they do not conflict with the same, and by the rules of co-ownership.

Article. 659. – The existence of an easement of party wall is presumed, unless there is title, or exterior sign, or proof to the contrary:

1. In dividing walls of adjoining buildings up to the point of common elevation;

2. In dividing walls of gardens or yards situated in cities, towns or in rural communities;

3. In fences, walls and live hedges dividing rural lands.” (Binigyang-diin) Kaugnay nito, binigyang-linaw sa Article 664 ng New Civil Code na ang bawat may-ari ng party wall ay maaari itong taasan sa sarili niyang gastos:

“Article. 664. Every owner may increase the height of the party wall, doing so at his own expense and paying for any damage which may be caused by the work, even though such damage be temporary. xxx” (Binigyang-diin)

Malinaw na sinasabi ng ating batas na hindi ninyo obligasyong bayaran ang nagastos ng inyong kapitbahay sapagkat sarili niyang gastos ang pagtataas ng party wall.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page