top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

7-man Pinoy amateur boxers, sasabak na sa Olympic q’fying

  • Gerard Arce
  • Mar 2, 2020
  • 2 min read

Magsisimula nang sumabak ang 7-man national boxing team bukas Marso 3-14 sa Asian/Oceania Continental Olympic Qualifying Tournament dahil naroon na sila ngayon sa Amman, Jordan.

Dumaan sa matinding paghahanda ang pambansang koponan na binubuo ng men’s at women’s national pugs sa isang pasilidad malapit sa Bangkok, Thailand noong Enero at Pebrero upang subukang makakuha ng silya para sa 2020 Olympic Games na magbubukas simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.

Kinabibilangan ang national team nina AIBA women’s featherweight world champion Nesthy Petecio at world runner-up winner Felix Eumir Marcial, Flyweight Carlo Paalam, bantamweight Ian Clark Bautista, light-welterweight James Palicte, Irish Magno at Riza Pasuit.

Naging parte rin ng training camp sa Thailand sina dating world champion Josie Gabuco, 2016 Rio Olympics participant Rogen Ladon, 30th SEA Games silver medalist Marjon Pianar, ngunit, hindi sila makakasali sa naturang paligsahan. Hindi naman makakalahok si 2017 SEA Games gold medalist John Marvin dahil sa tinamong hand injury. Makakasama rin ng mga ito sina coaches Ronald Chavez, Roel Velasco, Australian consultant Don Abett at mga support staff.

Ayon kay Chavez, naging maayos ang preparasyon at paghahanda ng buong koponan na tiyak na hinanda nila nang husto. “Maganda naman lahat ang kinalalabasan ng preparation nila. Maganda na ang kinikilos at ready na po kami sa qualifying,” wika ni Chavez sa panayam ng BULGAR sa messenger.

“Gagawin po lahat ng mga boxers natin ang best nila para makapag-uwi ng karangalan at makalaban sa Olympics,” dagdag ni Chavez na nakipaglaro umano sa mga Thai boxers na pawang lalaro rin sa Olympic Qualifying tourney.

Pansamantalang bumalik ng bansa ang mga national boxers nitong nagdaang Miyerkules, ngunit kinailangang lumipad agad patungong Middle East upang makasanayan ang klima at kaunting ensayo bago ang laban.

Idinagdag pa ni Chavez na malaking tulong para sa national boxers na makakumpleto ng dalawang training camp sa Thailand dahil mas nakuha ng mga ito ang kanilang kondisyon. “Mas maganda ngayon kasi naka-dalawang camp kami at maraming nakaka-sparring mga bata at fit na fit na sila ngayon,” pahayag ng 50-anyos na retired boxer na sumabak sa 1992 Barcelona Olympics sa lightweight division kung saan umabot siya sa quarterfinals.

Naunang naunsiyami ang nakatakdang Olympic qualifying noong Pebrero 3-14 sa Wuhan, China dahil sa COVID-19 outbreak, kung kaya’t napuwersa ang International Olympic Committee (IOC) na ilipat ang naturang slugfest sa Amman upang maiwasang kumalat pa ito sa mga boksingero.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page