top of page
Pokwang.jpg

Pagdami ng tambay, malaking epekto ng COVID-19

Editoryal
Mar 1, 2020
1 min read

Patuloy ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa pinakahuling ulat, umabot na sa halos 3,000 ang bilang ng namatay dahil sa nasabing sakit habang mahigit 80,000 naman ang mga nagpositibo sa virus mula noong Disyembre, 2019.

Samantala, halos 40,000 naman ang mga naka-recover matapos ang quarantine period.

Kaugnay nito, marami nang bansa ang nagpatupad ng mas matinding paghihigpit para hindi lumala ang pagkalat ng virus. Tulad natin na nagbaba na ng travel ban sa mga

bansang apektado rin ng COVID-19.

At habang tumatagal, unti-unti nang nararamdaman ang direktang epekto nito sa ating ekonomiya at sa kabuhayan ng mamamayan.

Tulad ng Philippine Airlines (PAL), napag-alaman na nagpapatupad ng “business restructuring” dahil sa epekto ng COVID-19 kaya daan-daang empleyado ang apektado.

Ayon sa PAL, nagpatupad sila ng “voluntary separation initiative” para sa matatagal na nilang mga empleyado at nagkaroon din ng “retrenchment process”.

Bilang resulta, nasa 300 mga ground-based personnel ang nawalan ng trabaho. Bagama’t, tiniyak naman na makatatanggap sila ng karampatang separation benefits, dagdag na trip pass privilege at tulong.

Matatandaang, una nang nag-arayan ang mga nasa turismo na naapektuhan sa ipinatupad na travel ban.

May mga pansamantalang tigil-operasyon, pero meron ding natuluyan nang magsara.

Hindi natin masasabi kung ano pa ang mga maaaring maapektuhan. Sa ngayon, wala tayong ibang magawa kundi ang makipagtulungan sa mga awtoridad sa kung ano ang mas makabubuting gawin habang hindi pa tuluyang napipigil ang pagkalat ng COVID-19.

Panawagan din natin na mabigyan ng ayuda lalo na ang mga manggagawang nawalan ng kayod, alang-alang na rin sa kani-kanilang pamilya.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page