top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

FEU-Diliman, pasok na sa finals ng UAAP JRS Basketball

VA
Mar 1, 2020
1 min read

Photo: WeAreTheUAAP

Makalipas ang tatlong taon, balik finals ang Far Eastern University-Diliman matapos pataubin ang Adamson High School, 78-65, kahapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 Juniors Basketball Tournament stepladder semifinals sa FilOil Flying V Centre.

Pinamunuan ni Penny Estacio ang nasabing biyahe ng Baby Tamaraws pabalik ng Finals mula ng magkampeon sila noong 2017 sa itinala niyang 18 puntos, 4 na rebounds, at 4 ding assists. “Siyempre, masaya kaming nakabalik sa Finals despite 11 players ang nag-graduate sa amin last year,” ani FEU Diliman coach Allan Albano.

Bukod kay Estacio, malaki din ang naiambag sa panalo ni Mark Padrones na umiskor ng 14 puntos at 4 na rebounds off the bench gayundin si Cholo Anonuevo na may 9 na puntos at 14 boards.

Ang matinding depensa na kanilang ipinakita ang naging susi sa paggapi nila sa Baby Falcons partikular sa key players nitong sina 1-2 Season MVP Jake Figueroa at John Erolon na nagtala ng 11 at 7 puntos ayon sa pagkakasunod.

Katunayan, mayroon lang tig-isang field goal ang nabanggit na dalawang manlalaro ng Adamson na nagtala lang ng 30 percent na field goal shooting.

“Nagawa namin ‘yung game plan naming i-stop si Figueroa at Erolon. Masaya akong ginawa ng mga bata ‘yung homework nila,” ayon pa kay Albano.

Makakaharap at hahamunin ng FEU-Diliman ang undefeated defending champion Nazareth School of National University sa best-of-three Finals sa Marso 6.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page