Feeling hari.. Cayetano, hinamong mag-resign ang mga cong. na kampi sa prangkisa ng Dos
- Pabs Hernandez III
- Mar 1, 2020
- 2 min read
CAYETANO, FEELING HARI — Matigas ang paninindigan ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi dapat iprayoridad ng Kongreso ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Cayetano, sinumang kongresista ang magpipilit pagkalooban ng franchise renewal ang Kapamilya Network ay dapat mag-resign sa mga hawak nilang komite.
Ibang klase si Cayetano, naging speaker lang, feeling hari na. Imagine, sinabi nitong mag-resign na ang mga kongresistang kontra sa sinabi niyang hindi prayoridad ang ABS-CBN franchise renewal? Boom!
***
BAKA MABULAGA SI CAYETANO, NAKUDETA NA SIYA — Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang usaping pagpapatalsik kay Cayetano bilang House Speaker kung patuloy nitong dededmahin ang renewal sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sa isyung ‘yan, aba, dapat mag-isip-iasip na si Cayetano kasi baka isang araw ay mabulaga siya na nakudeta na siya at hindi na siya ang bossing ng Kamara, period!
***
SOTTO, MAUNA PA KAYANG MAKUDETA KAYSA KAY CAYETANO? — Noon, “yes lang nang yes” si Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III sa mga gusto ni P-Duterte, pero nang i-terminate ng pangulo ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at U.S. dahil tinanggalan ng US visa si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, nagpapahayag na siya ng pagkontra at patunay d’yan ang pagkuwestiyon ng Senado sa Supreme Court (SC) sa pag-terminate ng pangulo sa VFA.
Naku, kapag hindi tumigil si Sotto sa kakokontra sa isyung ito, baka siya pa ang maunang makudeta kaysa kay Cayetano, boom!
***
DAPAT SI SANDRA ANG IPAHULI NG KORTE AT HINDI ANG BIYUDA NA NAGHAHANAP NG JUSTICE — Sinampahan ng NBI ng kasong murder si PCSO Board Member Sandra Cam dahil ito raw ang utak sa pagpatay kay Vice-Mayor Charlie Yuson III ng Batuan, Masbate at sa isyung ito, imbes na si Sandra ang ipaaresto, eh, ang ipinahuhuli ng korte ay si Lalaine Yuson, biyuda ng pinatay na bise-alkalde dahil sa kasong libel na isinampa sa kanya ng PCSO Board member.
Ang saklap naman kasi ‘yung misis ng biktima na naghahanap ng justice, siya pa ang unang makukulong kaysa sa utak sa pagpatay sa kanyang mister, hu-hu-hu!





Comments