Dahilan ng pagkabingi habang tumatanda
- Shane Ludovice
- Mar 1, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane, Malakas ang pangangatawan at matalas pa ang memorya ng aking nanay sa edad na 76 pero parang nabibingi na siya. Nais kong malaman kung namamana ba ito kasi natatandaan ko na ang aking lolo ay mahina rin ang pandinig at kailangan pa naming sumigaw bago niya marinig ang bawat sasabihin namin. May solusyon ba ang ganitong pagkabingi? - Melchor
Sagot Ang pagkabingi o hearing loss ay isa sa mga karaniwang problema ng matatanda. Thirty three percent (33%) ng 60-anyos at halos kalahati o 50% ng mga edad 75 at pataas ang mayroon nito. Kung minsan, nawawala lamang ang pandinig sa high pitched sounds o matitinis na tunog ngunit, ang iba naman ay nagiging bingi na nang lubusan.
Ang pagkabingi ay may dalawang antas: Ang nagagamot o conductive hearing loss at ang sensorineural o permanent hearing loss. Samantala, presbyacusis naman ang tawag sa pangkaraniwang pagkabingi dulot ng katandaan. Unti-unti itong lumilitaw habang ang tao ay tumatanda. Ang ibang kadahilanan ay heredity, prescription drugs, iba’t ibang sakit at impeksiyon sa tainga o sa utak, pagkabugbog sa ulo, alta-presyon at matagal na exposure sa malalakas na ingay.
Kadalasan, ang mga taong mahina ang pandinig ay ayaw umamin sa kanilang kapansanan. Kung minsan, nade-depress sila at ayaw makihalubilo sa iba. Napagkakamalan tuloy silang confused, unresponsive o kaya uncooperative, iyon pala ay hindi lamang sila makarinig nang mabuti.
Ang hearing problem na pinababayaan at hindi ginagamot ay tiyak na lalala. Kung may hearing problem ang iyong nanay, maaari kayong pumunta sa ear specialist. May mga paraan na makatutulong tulad ng hearing aids, special training, mga gamot o kung kailangan ang operasyon.




Comments