Cayetano, totoong kontrabida sa ABS-CBN, hindi si P-Digong
- Pabs Hernandez III
- Feb 29, 2020
- 2 min read
HIRIT NINA MAYOR SARA AT SEN. BONG GO, TABLADO KAY SPEAKER CAYETANO—Sa kabila ng sinabi na noon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ayaw ni P-Duterte na maisara ang ABS-CBN at tinanggap na rin ng pangulo ang “sorry” ng Kapamilya Network, bukod pa sa pagsuporta nina Mayor Sara Duterte-Carpio at Sen. Christopher “Bong” Go sa renewal ng prangkisa ng Dos ay sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi niya priority na talakayin sa Kongreso ang franchise renewal ng network.
Kung ganu’n, hindi pala ang kampo ni P-Duterte ang kontrabida sa pagkabitin ng franchise renewal ng ABS-CBN kundi si Cayetano? Period!
****
PANAWAGANG ABS-CBN SHUTDOWN NI MOCHA, SUPORTADO NI CAYETANO?—Kahit nagpahayag na ng suporta sa franchise renewal ng Kapamilya Network ang dalawang taong malapit kay P-Duterte na sina Mayor Sara at Sen. Go, tuloy pa rin ang panawagan ni Mocha Uson sa social media ng #YesToABSCBN Shutdown.
Sa isyung ito, tila mas nais sundin ni Cayetano ang kagustuhan ni Mocha na maisara ang ABS-CBN, kaysa sa kagustuhan nina Mayor Sara at Sen. Go na ma-renew ang prangkisa ng Kapamilya Network, boom!
****
P-DUTERTE, WALANG PAKIALAM KUNG MAKUDETA MAN SI CAYETANO—Matapos ibulgar ni Cayetano na may plano raw ang mga kongresista na ikudeta siya o patalsikin sa puwesto para si Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco na ang maging House Speaker ay sinabi ni Panelo na hindi raw makikialam si P-Duterte sa panloob na usapin sa Kongreso.
Ang sinabi kayang ito ni Panelo ay indikasyong may basbas ng pangulo na patalsikin na bilang Speaker si Cayetano? Abangan!
****
ROBIN, BAKA PUTAKTIHIN NG BASH NG MGA TAGASUNOD NI MOCHA—Kung noon ay panay batikos ni Robin Padilla sa ABS-CBN, ngayon ay nag-iba na siya ng tono at ayon sa kanya ay suportado niya ang franchise renewal ng Kapamilya Network.
Naku, baka dahil sa statement na ‘yan ni Robin ay siya ang i-bash ng mga tagasunod ni Mocha kasi akala nila ay anti-ABS-CBN ang actor, ‘yun pala pro-ABS-CBN, boom!





Comments