ABS-CBN, pinatawad na ni P-DU30, SolGen, naiwan sa ere
- Korina Sanchez
- Feb 29, 2020
- 2 min read
Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghingi ng tawad ng ABS-CBN noong nagbigay ng pahayag si President at CEO Carlo Katigbak sa Senado noong Lunes. Ito ang kanyang pahayag nang makapanayam siya ng media noong Miyerkules. Pero ipinauubaya na niya sa Kongreso ang tungkol sa prangkisa ng istasyon at hindi raw siya makikialam.
Tanging ang Kongreso na lamang ang makapagdedesisyon sa mga mangyayari.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, ang sobrang P2.6 milyon para sa mga hindi naipalabas na campaign ads ay ibigay na lang sa kawanggawa.
Kaya ang tanong ngayon, ano ang gagawin ng Kongreso ngayong pinatawad na ng pangulo ang ABS-CBN? Hindi ba, kaya nagsimula ang usaping ‘yan hinggil sa prangkisa ng istasyon ay dahil sa sama ng loob ng pangulo? Kaya kung hindi na siya galit, kailangan pa bang talakayin kung bibigyan o hindi ng prangkisa ang istasyon? Ano ang mangyayari sa mga kilos ni Solicitor General Jose Calida para pabagsakin ang istasyon?
Hindi pa rin puwedeng sabihin na kampante na ang ABS-CBN. Wala pang katiyakan sa mga sinasabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano tungkol sa istasyon at minaliit pa ang ginawang pagdinig ng Senado. Samantala, nagsalita na rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) na walang nilabag ang kumpanya hinggil sa mga batas ng manggagawa.
****
Samantala, tungkol naman sa COVID-19, ipinagbabawal na muna ang mga Pinoy na turista na magtungo sa South Korea dahil sa biglang pagdami ng kaso ng COVID-19 doon. Gayundin, sa Italy naman ay dumarami na rin ang kaso ng COVID-19, ito ang pinakamarami sa buong Europa. Tunay na napakalaki ng epekto ng COVID-19 sa turismo ng lahat ng bansa. May napanood kaming video na sarado ang mga Disneyland sa Beijing at Hong Kong.
Hanggang kailan kaya kakalat ang sakit na ito? Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), mahigit 80,000 na diumano ang nahawahan nito sa buong mundo. Nananawagan din ang ahensiya na huwag mabahala sapagkat ginagawa ng mga eksperto ang lahat upang tuluyan nang makontrol ang sakit.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit at namamatay sa COVID-19, marami na rin sa mga nahahawahan ang gumagaling o bumubuti na ang kalagayan.





Comments