PNP aminado.. Mga pulis, gumagawa ng krimen dahil sa utang

Pinaalalahanan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief P/Maj. General Debold Sinas ang mga bagong recruit na mga pulis na huwag mangutang habang sumasabak sa kanilang training.
Ang pahayag ay ginawa ng NCRPO chief, kasabay ng reception rites sa 230 bagong recruit na alagad ng batas sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kahapon.
Sinabi ni Sinas, layon nitong maturuan ang mga bagong recruit na huwag mangutang hanggang hindi pa sila nagiging pulis.
Paliwanag ng opisyal, may mga lending company na pumapasok sa training kaya napipilitan ang mga bagong recruit na mangutang kahit hindi naman kailangan.
Kapag nabaon sa utang, natututo umano ang mga pulis na pumasok sa ilegal na gawain.
Dagdag pa ni Sinas, walang dahilan para mangutang ang mga bagong recruit dahil may sahod naman sila kada buwan at libre rin ang kanilang pagkain at matutuluyan.
Samantala, nanawagan din si Sinas sa training manager ng mga bagong police recruit na huwag hayaang makapasok sa training ang mga lending institution.





Comments