Pasaway na drayber na, matapang pa, ‘wag ganu’n!

Kapag sinita ng traffic enforcer ang tsuper, ibig sabihin, may nilabag na batas-trapiko.
At kapag sinita, hindi na dapat makipagtalo, lalo na kung alam nating tayo ang may mali.
Mabilis na kumalat sa social media ang video na kuha ng concerned citizen kung saan makikita na galit na galit ang isang babae sa traffic enforcer na nanita sa kanya dahil sa illegal parking.
Matapang na lumabas ang babae sa sasakyan at nakipagtalo pa sa enforcer habang ipinaiintindi sa kanya ang kanyang nilabag na batas-trapiko ngunit, sumasagot pa ito at sumisigaw.
As usual, kung sino ang mali, sila pa ang matapang. Kung hindi naman nangangatwiran, idinaraan sa galit para hindi mapahiya at malihis ang atensiyon ng nanita. Tsk!
Marami nang ganitong insidente sa kalsada, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nauubos dahil marami pa ring abusadong tsuper.
‘Yung tipong may pambili ng sasakyan at marunong magmaneho, pero hindi marunong sumunod sa batas-trapiko.
Kung hindi n’yo kayang sumunod sa batas at tumanggap ng pagkakamali, ‘wag na kayong magmaneho!
Nakalulungkot lang dahil nagsisikap ang mga awtoridad na malinis ang mga kalsada, tapos walang tigil na pagpapasaway at perhuwisyo ang ginagawa ng ilan sa atin.
Puro tayo hingi ng pagbabago, pero tayo mismong publiko ay hindi na nga tumutulong, dagdag pa sa sakit ng ulo.
Kung ganito ang gagawin natin — na aasang gobyerno lang ang gagawa ng hakbang para maging malinis at maayos ang mga kalsada, wala ring mangyayari sa atin.
Bagama’t, may mga pagkukulang ang gobyerno, hindi ito sapat na dahilan para ismolin ang mga hakbang na ginagawa nila para sa ikabubuti natin.
Tandaan, lahat ng aksiyon ng pamahalaan ay dapat din nating sabayan ng pagsisikap — pagsisikap na hindi lumabag sa batas-trapiko, panatilihin ang pagiging disiplinado at maging mapagkumbaba kapag may pagkakamali.
‘Ika nga, tiis-tiis muna para sa mas mabuting sitwasyon sa mga susunod na panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments