top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Camingao, hari sa Stage 5, kay Oconer ang red jersey

A. Servinio/ATD
Feb 28, 2020
2 min read

Photo: Ronda Pilipinas

Antipolo City – Ipinakita ng Philippine Navy-Standard Insurance ang kahalagahan ng teamwork upang itulak sa pangkalahatang liderato si George Oconer matapos ang ikalimang yugto ng LBC Ronda Pilipinas 2020 kahapon.

Itinanghal na kampeon ng 128.5 km. karera na galing Lucena City si John Mark Camingao na kasabay ni Oconer at apat pa nilang kakampi na tumawid sa finish line sa parehong oras na 3:12:50.

Kasama rin sa grupo sina Ronald Oranza, El Joshua Cariño, Ronald Lomotos at Junrey Navarra. Maaga pa lang ay kumalas agad ang mga Navy upang ipamalas muli ang kanilang lakas bilang koponan at tiyak na magtutulungan sila para maprotektahan ang lamang ni Oconer sa limang nalalabing yugto.

Pumapangalawa bago ang simula ng araw, may pinagsamang oras na 17:54:13 si Oconer upang makuha ang pulang jersey kay Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop-Army. Sa bisa ng ipinakita ng Navy, pinuno nila ang numero uno hanggang numero anim na puwesto para hatakin pababa si Bordeos sa ika-7 puwesto sa oras na 17:59:27.

Pangalawa na si Oranza (17:55:28) at sinusundan siya ng mga kakamping sina Lomotos (17:55:31), Camingao (17:56:06), Navarra (17:56:30) at Carino (17:56:04). Si Rustom Lim ng 7-Eleven CLIQQ Air21 (17:59:33) at sina Jonel Carcueva (17:59:41) at Ismael Grospe (18:00:01) ng Go For Gold ang nakaligtas sa pagsalakay ng Navy at pumasok sa ika-8 hanggang ika-10 puwesto.

Lalong lumayo ang lamang ng Navy sa team category at ang oras NA 71:36:57 ay mahigit 23 minuto ang agwat sa humahabol na Go For Gold na may oras na 72:00:37 na sapat para tumalon mula sa 4th place. Ikatlo pa rin ang Bicycology (72:02:16) subalit ang malaking balita ay ang pagbagsak sa ika-4 ng 7-Eleven (71:05:52) matapos makipagpalitan ng lamang sa Navy sa unang limang yugto.

Namayani rin ang Navy sa special awards na King of the Mountain para kay Cariño at sprint points race para kay Jan Paul Morales. Si Grospe ang nanaig bilang Best Young Rider.

Magpapahinga saglit ang Ronda Pilipinas ngayong Biyernes. Babalik ang padyakan sa Sabado sa ika-6 na yugto na magsisimula at magtatapos sa Tarlac Recreational Park sa bayan ng San Jose matapos umikot ng 111.9-km sa mga ibang bayan sa lalawigan ng Tarlac.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page