Basehan para masabing walang bisa ang kasunduan
- Persida Acosta
- Feb 28, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Mayroong kasunduan ang nanay ko at kapitbahay namin, subalit sabi ng pinsan ko, ito raw ay voidable contract. Ano ba ang ibig sabihin ng voidable contract? Saan ba kami maaaring lumapit para magkaroon ng karagdagang impormasyon? Sana ay mapayuhan ninyo ako. - Patrick
Dear Patrick, Ang mga sumusunod na rekisito ay kinakailangan upang masabi na mayroong balidong kasunduan: (1) Consent o pagsang-ayon ng parehong mga partido; (2) Object certain o ang bagay na paksa ng kasunduan at (3) Cause o ang sanhi o pinakadahilan kung bakit pinasok ang kasunduan. Nagiging voidable o maaaring walang bisa ang isang kasunduan kung mayroong depekto sa consent ng isa o parehong partido. Partikular na nakasaad sa ating New Civil Code:
“Art. 1390. The following contracts are voidable or annullable, even though there may have been no damage to the contracting parties:
1. Those where one of the parties is incapable of giving consent to a contract;
2. Those where the consent is vitiated by mistake, violence, intimidation, undue influence or fraud.
These contracts are binding, unless they are annulled by a proper action in court. They are susceptible of ratification.”
Sa sitwasyon na nabanggit ninyo, magiging mainam na himayin muna ang lahat ng aspeto tungkol sa kasunduan sa pagitan ng inyong nanay at inyong kapitbahay upang malaman kung mayroon bang naging depekto sa pagsang-ayong ibinigay ng iyong nanay o ng inyong kapitbahay upang malaman na rin kung talaga bang voidable contract ang kasunduan sa pagitan nila.
Kaugnay nito, iminumungkahi namin na magtungo kayo sa aming PAO District Office na nakasasakop sa lugar kung saan kayo nakatira upang makausap kayo nang personal ng isa sa aming mga abogado. Karaniwang matatagpuan ang aming district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall o mga hall of justice ng bawat bayan, siyudad o probinsiya.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments