top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

10 buwang ekstensiyon sa ABS-CBN para sa 11,000 empleyado

Bong Revilla
Feb 28, 2020
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Kamakailan, dinumog ako ng mga mamamahayag upang tanungin kung bakit ko naisipang magsumite ng panukalang-batas para amyendahan ang kasalukuyang prangkisa ng ABS-CBN at i-extend ang bisa nito hanggang sa katapusan ng taon.

Hindi naman kasi lihim na sa mga nagdaang pahayag ko ay nababanggit ko ang aking hinanakit sa naturang network dahil mula’t sapul ay tampulan ako ng mga negatibong pahayag at istorya nila.

Pero bilang vice-chairman ng Senate Committee on Public Services ay nagsumite ako ng panukala, ang Senate Bill No. 1374. Naniniwala ako na dahil sa panukalang ito, mabibigyan ng sapat na panahon ang Kongreso para aksiyunan at matapos na ang pagtalakay ng mga nakabimbing franchise bills ng ABS-CBN.

Kasabay nito, mabigyan ng liwanag at matugunan ang mga posibleng legalidad na maaari pang lumutang sa gitna ng pagdinig sakaling umabot sa pagtatalo at kalituhan ang lahat.

Lumalabas kasi na kung hindi maaamyendahan ang prangkisa ng ABS-CBN ay nakatakda itong mapaso sa Mayo 4, 2020 na maaaring makaapekto sa kabuhayan ng may 11,000 manggagawa.

Narinig naman natin ang pahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno na kapag napaso na ang prangkisa ay wala nang basehan para magpatuloy ang operasyon ng ABS-CBN at dapat itong tumigil.

Napagpasyahan ko na isumite ang aking panukala para maisantabi na ang lahat ng usaping legal na maaaring ibunga ng pagkakapaso ng kanilang prangkisa habang dinidinig pa ng Kongreso at Senado ang kanilang aplikasyon.

Mabibigyan ng panahon ang Kongreso na gawin ang kanilang trabaho nang hindi maaapektuhan ang kabuhayan ng may 11,000 manggagawa.

Sa totoo lang, sobra-sobra na ang sampung buwan para maresolba ang aplikasyon ng ABS-CBN at mabigyang-linaw kung dapat bang bigyan pa ng panibagong prangkisa ang network o hindi na.

Minabuti kong isantabi ang sama ng loob dahil nais kong alisan ng agam-agam ang may 11,000 manggagawa ng ABS-CBN na labis ang pag-aalala dahil sa posibleng kahinatnan ng kanilang pamilya sa oras na magsara ang istasyong ito.

Aminado akong may tampo ako sa ABS-CBN dahil palagi nila akong binabanatan at maraming paninirang istorya ang inilabas nila laban sa akin na wala namang katotohanan.

Lalo na noong nagdaang eleksiyon, mabuti na lang at hindi naniwala ang mga sumusuporta sa akin at ibinoto pa rin nila ako hanggang sa makabalik bilang senador.

Tulad din ni Pangulong Rodrigo Duterte, may kakaiba rin siyang karanasan sa ABS-CBN kaya lumala nang lumala ang tampo niya sa network na ito, ngunit, tulad niya ay ayoko ring mamersonal.

Mas mabuting sa bawat pagkakataon, sa tama lang tayo. Mabigat ang buwelta ng karma.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page