‘Pinas, tiebreaker pa rin nang tumabla sa Singapore

Hindi sapat ang 90 minuto at nagtapos sa 0-0 tabla ang Kaya Iloilo ng Pilipinas at bisitang Tampines Rovers ng Singapore sa pagpapatuloy ng 2020 AFC Cup sa Rizal Memorial Stadium Miyerkules ng gabi.
Nanatili ring tabla ang dalawang koponan sa tuktok ng Grupo H na parehong may apat na puntos subalit hawak ng mga Pinoy ang tiebreaker dahil sa goal difference.
Naglalaro sa harap ng mga kababayan sa unang pagkakataon sa prestihiyosong taunang torneo, agresibo agad sa simula ang
Kaya at panay ang bomba nila sa goal ng Tampines. Sa huli, matibay na depensa ang nagsalba sa Kaya lalo na ang ipinakita ng kanilang beteranong goalkeeper na si Louie Michael Casas.
Ginamit ni Casas ang kanyang liksi para bantayan nang mabuti ang kanilang goal lalo na sa second half. Pinakamahalaga dito ang kanyang milagro noong ika-86 minuto kung saan walang takot niyang pinigil ang malapitang sipa ng rumaragasang si Boris Kopitovic.
“Maganda ang laro namin sa simula, nasa amin ang bola pero naubusan kami ng suwerte ngayon,” wika ni Coach Oliver Colina. Pinuri rin ni Coach Colina si Casas na hindi pa nalulusutan ng bola sa loob ng dalawang laban.
Sinubukan ni Coach Colina na gamitin muli ang kanyang mga reserba na susi sa kanilang nakaraang 2-0 na wagi sa tahanan ng Shan United sa Myanmar. Isa-isa niyang pinasok sa second half sina Eric Giganto, Ariel Amita at Connor Tacagni bilang pamalit kay kapitan Jovin Bedic, Jayson Panhay at Marwin Angeles subalit lumutang ang kalidad ng Tampines, ang kampeon ng 2019 Sinapore Cup.
Babalik sa aksiyon ang Kaya sa Marso 10 sa Indonesia kontra sa PSM Makassar. Nanaig ang mga Indones sa Shan, 3-1, para umangat na mag-isa sa ikatlong puwesto sa grupo na may tatlong puntos.
Ang isa pang pambato ng Pilipinas, ang Ceres Negros ay nangunguna rin sa Grupo G. Nagtabla ang Busmen at bisitang Than Quang Ninh ng Vietnam, 2-2, noong Martes ng gabi sa Rizal Memorial.





Comments