top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Paggamit ng plastik sa gobyerno, bawal na!

  • Ryan B. Sison
  • Feb 27, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Karaniwan na sa atin ang madalas na paggamit ng mga disposable na bagay tulad ng styro cups kapag nagkakape, sealed plastics na lagayan ng mga ulam o baon at marami pang iba.

Subalit, ang lahat ng ito ay itinuturing na solid waste o basura na sadyang nakasisira at may matinding epekto sa ating kapaligiran.

Ang naging tugon ng gobyerno, partikular ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa problemang ito sa basura ay ang pagpapatupad ng ban para sa single-use plastic na uumpisahan sa lahat ng opisina ng pamahalaan, matapos ang resolusyon na inaprubahan ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC).

Ipinagbabawal na ngayon ang paggamit ng mga single-use plastic sa national government agencies, local government units (LGUs) at lahat ng government-controlled offices.

Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, isa itong malaking hakbang na gagawin upang mabawasan ang lumalalang polusyon sa ating katubigan na pumapatay sa mga marine life at sumisira sa kapaligiran dahil sa tambak na mga basura na nakikita kung saan-saan.

Bubuo rin sila ng mga panuntunan para sa implementasyon ng plastic ban upang maiwasan ang pagdami ng solid waste at mahusay na estratehiya sa pagbabawas ng mga basura.

Ang mga halimbawa ng single-use plastic ay cups na manipis sa 0.2 millimeter, drinking straws, kutsara, tinidor, coffee stirrers, kutsilyo, “labo” at sando bags na mas mababa sa 15 microns.

Kung pag-aaralang mabuti, hindi lang pagkasira ng paligid ang nagagawa ng mga plastik na ito kapag naging basura na, may kaakibat na masamang epekto rin ito sa ating kalusugan.

Ang mga plastic straw na ginagamit natin ay gawa sa plastic resin, colorants at iba pang additives kung saan ang resin ay polypropylene na mula sa polymerizing at molecules ng isang propylene gas.

Sa madaling salita, punumpuno ito ng mga kemikal na maaari nating makain o makonsumo na posibleng merong masamang epekto sa ating kalusugan.

Gayunman, kung naumpisahang ipatupad ito sa mga opisina ng gobyerno, malamang, ipag-utos na rin ito sa mga pribadong kumpanya.

Salamat sa hakbang at kautusan na ito ng gobyerno, dahil mas makatutulong tayo sa problema sa basura.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page