Nat’l Judo Kids, Babanto at Quizon, 2 gold sa Indonesia
- Gerard Arce
- Feb 27, 2020
- 1 min read

Tatlong gintong medalya ang iniuwi ng koponan ng National Judo Kids sa nagdaang 2nd Kerawang International Judo Festival nitong nakalipas na Pebrero 22-23 sa Kerawang Indonesia.
Ibinalibag ni Zeus Babanto ang unang gintong medalya sa kids +38kgs category matapos talunin si Flrdaus Asykar Abdillah ng Judo Waza Gombong club ng Indonesia sa championship round.
Tinapos ng 9-year-old student mula sa The Covenant Montessori ang kanyang kalaban sa pamamagitan ng isang one-arm shoulder throw technique para maiselyo ang laban.
Tila nasa dugo ng batang judoka mula Ultimate Judo Fighters Club (UJFC) ang husay at galing sa sport dahil namana niya ito sa kanyang inang si 30th Southeast Asian Games women’s Kurash under-63kgs gold medalist Estie Gay Liwanen.
“Sobrang happy and motivated na turuan pa siya ng mga techniques,” pahayag ni Liwanen. “Hindi ko in-expect na mag-gold siya pero ipinagdasal ko na sana makuha niya iyong gold,” dagdag ng dating two-time SEA Games judo bronze medalist.
Sunod namang ibinulsa ni Janika Quizon ang ikalawang gold medal ng bansa nang talunin niya si Khalilah Yuanisa para sa kampeonato ng kids under-52kgs division.
Wala namang nakapigil sa pagkapanalo ni Elyssa Marie Cao na makopo ang titulo sa girls under-44kgs class nang higitan niya ang anim pang mga manlalaro.
Hindi pinalad si Chazsky Fernandez na makausad sa quarterfinal match nito sa kids under-32kgs category.
Tumapos sa 7th place ang Philippine team na may apat na manlalarong ipinadala sa 2-day event na nilahukan ng 35 clubs mula sa Indonesia, Singapore, Vietnam, Pilipinas, Malaysia, at Canada.




Comments